Nagsipagtaasan ang kilay ng sangkabaklaan nang magdeklara ang isang male personality na meron na raw siyang girlfriend. Kung sino ang babaeng tinutukoy niya ay walang nakakaalam, wala naman kasing sinabi ang lalaking personalidad, basta meron na raw siyang girlfriend.
Isang gabing malakas ang ulan at todo ang higpit ng traffic ay ang male personality ang naging paksa ng isang tropa ng mga beki. Hindi raw pala bading ang male personality na ‘yun kundi isang tomboy.
Sabi ng isang nasa umpukan, “E, paano na ‘yung guwapong pinupuntahan niya sa isang probinsiyang malapit lang sa Manila? ‘Di ba, kapag wala siyang work at wala ring pasok ‘yung guy, du’n siya makikita sa farm ng family ng guy?
“Paano na ang guwapong ‘yun, nag-break na ba sila at naghanap na agad ng kapalit si ____(pangalan ng male personality na amoy na amoy na badichi ng kanyang mga katrabaho)?
“Hindi na rin ba siya makikita palagi ngayon sa practice ng soccer team ng isang bonggang school? Du’n siya nagbababad, kasi nga, ‘yung guy na dinadalaw niya sa probinsiya, e, member ng soccer team ng eskuwelahang ‘yun!
“At sige nga, sino naman ang hitad na babaeng sinasabi niya? Ibinili ba niya ng LV bag ang babaeng ‘yun para magpanggap na karelasyon niya? Bakit hindi niya pangalanan ang girl, sabihin niya kung saan nag-aaral, para malaman ng mga tao na totoo ang mga pinagsasasabi niya.
“Hindi kaya magtitili nang walang sound ang isang young actress na nagsabing mas kumpleto at maganda pa ang make-up kit ng male personality na ‘yun kesa sa kanya?
“Brand conscious ang male personality, hindi siya gumagamit ng make-up na hindi sikat ang brand, kaya sobrang insecure sa kanya ang young actress na palagi niyang katambal sa mga teleserye.
“Magtigil siya! Tantanan niya kami! Umayos siya! Nakakaloka siya, ha? May girlfriend na raw siya? Tomboy pala siya, hindi beki!” madiing-madiin pang komento ng aming impormante.
Tropa...nina Ogie at Gelli kulang sa oras
Pambanlaw sa isang nakakapagod na maghapon ang panonood ng bagong bihis na Tropa Mo Ko Nice, ‘Di Ba ng TV5 tuwing Sabado nang gabi. ‘Yun ang gag show na hindi mo hihiwalayan, nakakaaliw ang palabas, wala kang gagawin kundi ang humalakhak lang nang humalakhak.
Buo pa rin ang cast ng comedy show sa pangunguna nina Ogie Alcasid, Gelli de Belen, Tuesday Vargas, Wendell Ramos, Alwyn Uytingco, Vin Abrenica at iba pang youngstars ng TV5, pero may mga idinagdag silang stand-up comedian, sobrang aliw ang idinagdag sa TMKNDB nina Michelle Obombshell at Kim Idol. Si Phillip Lazaro na ang direktor ng gag show at nadagdag naman si Mamu Andrew de Real sa mga sumusulat ng script nito.
Pinaka-hit pa rin para sa amin ang Paminta 101, ang segment kung saan buong bonggang ginagampanan nina Wendell, Alwyn, at Edgar Allan Guzman ang papel ng lalaki, bading, at pa-mhin sa iba’t ibang sitwasyon. Maligayang bati sa mga gag writers ng Tropa Mo Ko Nice, Di Ba.
Tapos na ang show ay bitin ka pa. Ganu’n ang nararamdaman ng tagapanood kapag sobrang nakakaaliw ang isang palabas, walang pagkainip, tapos na ang oras ay kulang pa rin.
Pagkatapos mong makipagbuno sa sobrang nakaiinip at nakaiinis na traffic ay magandang salubong pagdating mo sa bahay ang Tropa Mo Ko Nice, Di Ba.
Mas habaan pa sana ang oras ng gag show, bitin kasi ang kanilang pagkokomedya, mas mahaba ang paghalakhak ay mas maganda.