Dingdong gusto nang magkapamilya, Marian nasa alapaap pa!

MANILA, Philippines - “Hanggang ngayon e nasa alapaap pa rin ako, lalo sa nasabi mong ako ang sagot sa ‘yong mga dasal at gusto mong ipagsigawan sa mundo kung gaano mo ako kamahal… haaay mahal ko… Mahal na mahal din kita!” caption nang i-post ni Marian Rivera sa kanyang Instagram kahapon ang photo ng singsing na Harry Winston na inabot sa kanya ni Dingdong Dantes sa ginawa nitong proposal sa birthday presentation ng kanyang dance show na Marian.

Ang sabi, sabi lang ha, na mahal daw ang singsing na ibinigay ni Dingdong sa kanyang proposal. Bago kasi ang proposal na ‘yun last Saturday night kung saan marami talaga ang sobrang kinilig at naiinggit, nauna na palang nag-propose ang aktor sa girlfriend niya of six years noong August 12, 2012 sa Butterfly Dome sa Macau. Ipinalabas ang nasabing video last Saturday pero pinaputol ni Dingdong dahil lumuhod na siya sa harap ni Marian at doon na itinuloy, live on national te­levision, kung saan nasa audience ang kanilang pami-pamilya, nagtitiliang fans, at ilan nilang kaibigan.

“Allow me to do it right this time. Mas magiging espesyal siya ngayon dahil  ngayon kaharap mo na ang pamilya mo,” simula ni Dong. Sa Macau kasi, tanging pamilya niya lang ang kasama nila.

“Nandito ulit ang pamilya ko, at nandito ang mga taong nagmamahal sa atin.

“Ngayon ang gusto kong mangyari, gusto kong ipagsigawan sa buong mundo kung gaano kita kamahal. And I wanna do it right this time,” sabi ng actor na pigil na pigil sa pag-iyak.

Mas lalong nagulat ang lahat nang lumuhod sa harap ni Marian ang actor. Lalong lumakas ang tilian ng mga tao sa studio.

“Yan, whenever I pray, tuwing nagdarasal ako, alam mo, ito ang isa sa parati kong hinihiling, na sana bigyan Niya ako ng isang taong makakasama ko sa kalokohan, sa kalungkutan, sa kasiyahan. Isang taong alam kong ibibigay ko ang buong buhay ko sa kanya.

“Right now, wala na akong mahihiling pang iba. There’s nothing that I want and to ask for, but to settle down and have a family.

“Yan, sa tagal ng pagsasama natin may isang bagay na malinaw sa akin that I want to spend the rest of my life with you.

“Kaya ngayon, saksi ang mga mahal natin sa buhay, gusto kong ipagsigawan sa buong mundo, na ikaw ang sagot sa aking mga dasal,” sabay labas ng singsing ni Dingdong at hindi na nito napigilan ang kanyang luha.

“I offer you this gift on your birthday, something that’s beyond any material thing or tangible one, but I offer myself, my love today and all the days of my life.

“So please, Marian, will you be my wife?”

Imbes na sumagot, hinalikan na ni Marian ang actor.

“Ladies and gentlemen, I proudly present to you, my fiancée, the birthday girl in her last dance with me before we become one—the soon to be Marian Gracia Dantes,” sabi ni Dingdong pagkatapos at saka sila nag-kissing uli kaya mas lalong umalingawngaw ang buong Studio 6 ng GMA 7.
Sinabi naman ni Marian na kaya niya ipina-tattoo ang butterfly sa kanyang likuran ay ito ang naging simbolo ng kanilang pag-iisa ni Dingdong nang mag-propose nga ito sa Butterfly Dome.

Nang magsalita si Marian ay sinabi niyang: “At isa lang ang sasabihin ko sa iyo, habang buhay kitang mamahalin at aalagaan. Kahit ilang anak, wala akong pakialam, kahit lumaki ang katawan ko, maibigay ko lang ang lahat ng ikasasaya mo. Ganun kita kamahal. Thank you, dahil alam ko na maraming babae talaga, pero ako ang minahal mo nang sobra, at alam ko ‘yon.”

Is that a yes, tanong ni Dingdong kay Marian?

“Yes,” sigaw ng actress.

Hinintay ng ilang entertainment press ang dalawa after the show, pero umalis ang buong pamilya niya para mag-dinner.

Bukod sa nakakakilig na proposal, inilabas nga rin pala ni Dingdong ang mga masasaya nilang photos ni Marian noong nagsisimula pa lang ang kanilang relasyon.

Ang kasalan na lang ang hihintayin natin.

                               

 

Show comments