Kontrobersyal na celebrity, gimik lang ang pagtitinda ng ice candy
Nakakwentuhan ko ang isang kakilala na kaibigan ang kontrobersyal na celebrity na ito na galing sa Amerika. Matagal-tagal na rin siya sa Pilipinas kung saan may nakilalang binata na mas higit na bata kaysa sa kanya.
Na in-love ang celebrity sa batang binata at ‘di nagtagal nagpasya silang magpakasal.
Pero ngayon balitang nagtitinda na lang ng ice candy si Celebrity sa kanilang lugar sa isang karatig-lalawigan kung saan dun sila nanirahan.
May nagtanong tuloy kung naghirap na kaya ang celebrity o baka nagpapaawa effect na ito na kunwa’y wala na siyang kapera-pera.
Akting ni Jake nanggulat
Maraming humanga kay Jake Vargas sa makatotohanan nitong pagganap sa indie film na Asintado na isang entry sa magtatapos na Cinemalaya X.
Ayon sa mga nakapanood ng indie film, napiga nang husto ni Direk Louie Ignacio ang aktor at nailabas ang lalim ng akting nito.
Natuwa ang kanyang manager na si Kuya Germs Moreno at very proud siya sa alaga dahil sa realistikong paglalarawan ng karakter na ginampanan.
Natutuwa naman si Jake at nagpapasalamat sa mga papuri ng mga tao at sinabing lalo pa niyang galingan ang kanyang pag-arte. Abala si Jake sa isa pang indie film na Liwanag Sa Dilim kasama ang girlfriend na si Bea Binene.
Nadine-James makabagong Kathniel
Sumusunod sa yapak ng tambalang Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ang tambalan ni Nadine Lustre at James Reid via Talk Back and You’re Dead ng Skylight Films at Viva Films. Kumita nang malaki ang kanilang Diary ng Panget. Ang pelikula ay homecoming ni James sa Kapamilya bilang grand winner ng 2010 Pinoy Big Brother Teen Clash.
Inaasahang iingay din ang tambalang Jadine. Kabituin pa rin sina Joseph Marco at Yassi Pressman sa Talk Back and You’re Dead sa direksyon ni Andoy Ranay. Palabas na ito sa August 20.
- Latest