Ang tingin sa kanya ng marami ay isang ATM card. Parang holen lang kasi sa kanya ang pera, ipinamimigay niya, mahilig siyang magregalo ng mga bonggang kagamitan na pinapangarap pa lang ng mga binibigyan niya.
Kahit sa pakikipagrelasyon ay napakabongga ng female personality na ito na mas kilala pa nga ng mga kababayan natin kesa sa ibang artista. Sunod ang layaw sa kanya ng lalaki, kahit langit ay tatawaran at bibilhin niya, sumaya lang ang kanyang karelasyon.
Pero mali ang akala ng ibang tao na uto-uto ang babaeng personalidad na ito, marunong siyang kumilatis ng pagkatao, alam niya kung saan siya papasok at kung saan din siya lalabas.
Nagkaroon siya ng isang panandaliang relasyon sa isang male personality, panahon nu’n ng lalaki, marami itong proyekto at kilalang-kilala dahil sa kanilang grupo na kinagat ng publiko.
Utak-callboy ang male personality, para itong manok na puro pakabig lang ang alam, pinagbigyan ito ng female personality pero sa sandaling panahon lang.
“Paano naman, e, nakahalata siya agad. Lahat ng magustuhan ng guy, itinatawag at ipinabibili sa kanya. Brochure na lang ang nakukuha ng girl, nilalagyan ng mark ng lalaki, buy naman agad ang babae!
“Kaso, naramdaman niya na pera at material things lang ang habol sa kanya nu’ng guy, kaya nu’ng mga sumunod na araw, hindi na niya sinasagot ang tawag ng guy.
“Pinupuntahan siya ng lalaki, pero nagtatago na siya, hanggang sa nawalan na sila ng communication. Matindi ang lalaking ‘yun, user talaga, uubusin talaga niya ang babae,” sabi pa ng aming source.
Kilalang-kilala rin ng sangkabaklaan ang tunay na kartada ng male personality, janitor fish nga ang tawag sa kanya ng mga ito, dahil inuubos nito ang lahat ng pagkain sa kanyang paligid.
Cong. Lucy walang magawa: Anak na si Juliana may kakaibang namana kay Goma
Ngayong gabi na pagkatapos ng Who Wants To Be A Millionaire ang unang sultada ng Quiet Please, Bawal ang Maingay ni Richard Gomez sa TV5. Tututukan namin ang game show ni Goma dahil sa teaser pa lang nito ay naiintriga na kami kung paano ang daloy ng show.
Sabi ng isang nakakuwentuhan namin ay nakakaaliw raw ang programa dahil matinding disiplina at pag-iingat talaga ang kailangang ipuhunan ng contestant.
“Pati paghinga nito, kailangang may rhythm, kapag pabigla-bigla ka kasi, ligwak ka na. Nakaka-tense ang show, pati ang televiewers, siguradong maaapektuhan,” balita ng aming kausap.
Abalang-abala ngayon si Richard Gomez, madalas silang hiwalay ng lakad ng misis niyang kongresista, hindi tulad nu’n na kung saan nandu’n si Congresswoman Lucy Torres Gomez ay siguradong nandu’n din si Goma.
Naalala pa naming ang kuwento ng magandang misis ng aktor, “Kung matulog si Richard, nakalitaw ang magkabilang paa niya. Kahit sobrang ginaw pa, nakakumot ang buong katawan niya, pero litaw ang mga feet niya.
“’Yun ang minana sa kanya ni Juliana, pareho silang mag-ama, kaya mahirap ang sitwasyon ko dahil nasa gitna nila akong dalawa. Napapagitnaan ako ng dalawang taong nakalitaw ang mga paa,” tawa nang tawang kuwento ni Cong. Lucy.
Ang tanging paghihigpit na ginagawa nila kay Juliana ay ang hindi nila pagpayag sa pag-i-sleep over ng dalaga sa ibang bahay. Ang mga kaklase at kaibigan na lang ni Juliana ang nakikitulog sa bahay nila dahil ayaw nilang pumayag na mawala sa kanilang paningin sa buong magdamag ang kaisa-isang anak nila.