MANILA, Philippines - Nanalasa uli ang ABS-CBN noong Hulyo sa kabila nang kawalan ng kuryente sa ilang lugar sanhi ng bagyong Glenda. Base sa datos ng Kantar Media, nakakuha ang ABS-CBN ng average audience share na 43%, o siyam na puntos na mas mataas sa nakuha ng GMA na 34%.
Makikita rin sa datos ng Kantar Media noong Hulyo ang patuloy sa pamamayagpag ng ABS-CBN sa primetime (6PM-12MN) sa average audience share na 50%.
Wagi rin ang Primetime Bida sa iba pang bahagi ng bansa gaya ng Balance Luzon (mga lugar sa Luzon na nasa labas ng Mega Manila), Visayas, at Mindanao. Nagtala ito ng average audience share na 53% sa Balance Luzon, 63% sa Visayas, at 61% sa Mindanao.
Ang pangunguna ng ABS-CBN sa primetime ay pinalakas ng mga programang TV Patrol, Ikaw Lamang, Sana Bukas Pa Ang Kahapon, at mga bagong teleseryeng Hawak Kamay at Pure Love.
Pilot episode pa lang ng Hawak Kamay at Pure Love ay nanguna na ito sa kani-kanilang timeslot.
Ang pagbabalik ni Piolo Pascual sa family dramang Hawak Kamay ay nagtala ng national TV rating na 24%. Ang Pure Love naman na pinagbibidahan nina Alex Gonzaga and Yen Santos ay nakakuha ng 19.5% noong Hulyo 7.
Pumalo naman sa national TV rating na 27.3% ang pagtatapos na primetime fantaseryeng Mirabella noong Hulyo 4.
Naabot naman ng The Voice Kids ang panibagong all-time high national TV rating nito na 37.7% sa unang gabi ng finale nito noong Hulyo 26. Nanatili rin sa unang pwesto ang katatapos lamang na singing reality show sa listahan ng pinakapinanood na programa sa bansa noong Hulyo sa average national TV rating of 33.6%.