Kapit sa patalim nu’n ang isang male news reporter. Marami siyang utang. May sabit siya sa kung kani-kanino at kung saan-saan. Kailangan niya ng salbabidang may hangin para makalutang siya mula sa malalim na pagkalunod.
Isang araw ay siya ang ipinadala ng kanilang network sa isang malayong probinsiyang sinalanta ng kalamidad. Mahigit na isang linggo siyang nanatili sa probinsiya, marami siyang nakilala du’n, naging kapalagayang-loob niya ang isang lantad na beking opisyal.
Kuwento ng aming source, “Naging sobrang close sila, ‘yung problema sa pera ng news reporter, nagkaroon ng sagot. Sobra pa sa pangangailangan niya ang ibinibigay sa kanya ng government official sa lugar na ‘yun.
“Pati mga branded stuff, sinawaan siya. Very generous kasi ang beki, talagang pinaliguan siya ng mga materyal na bagay, nagbuhay-mayaman ang news reporter. Pero nagkaroon ng problema.
“Nagsumbong sa pinaka-head nila ang cameraman ng news reporter, nagkuwento tungkol sa kakaibang relasyon niya at ng government official. ‘Yung mga iniregalong gadgets sa kanya, ipinasoli!
“’Yung mga mamahalin niyang pantalon, sapatos at t-shirt, ipinababalik din ng head ng News department nila. Walang nagawa ang news reporter kundi ang sabihin sa beking opisyal na kailangan na nilang maghiwalay.
“Ayaw sana niyang gawin ‘yun at patago pa rin siyang makikipagrelasyon sa beking opisyal, pero pinatutugaygayan na siya ng boss nila, hindi na makalusot ang news reporter, kailangan na talaga niyang iwasan ang bading na opisyal,” kuwento ng aming source.
‘Yun din ang government official na mahilig magpapunta ng mga guwapong artista sa probinsyang pinamumunuan niya. Malaking maghatag ang beki, wiling-wili sa kanya ang mga aktor na mahilig sa anda, spoiled ang mga artistang dumadalaw sa beking opisyal pagdating sa datung at mga materyal na bagay.
Balik sa dati ang buhay ng news reporter. Pinagkakasya na lang uli niya ang maliit niyang kinikita sa network, siguradong ngayon ay marami na naman siyang obligasyon na dapat panagutan, baon na naman siguro siya sa pagkakautang.
Ara parang hindi limang buwang buntis ang hitsura
Naharang namin sa radyo (Cristy Fer Minute, 92.3 News FM-AKSYON TV-41) nu’ng nakaraang Lunes nang hapon si Ara Mina. Limang buwan na siyang nagdadalantao ngayon kay Mayor Patrick Meneses pero hindi pa rin halatado ang tiyan niya.