MANILA, Philippines – Inamin ng Kapamilya actor JM de Guzman na ipinasok siya sa rehabilitation facility dahil sa kanyang pagkalulong sa ilegal na droga.
Ikinuwento kahapon ni JM sa “The Buzz” ang kanyang pinagdaanan kaya siya nwala ng higit isang taon sa showbiz.
“Pinasok po ako sa rehab. Pinasok po ako sa rehab dahil unmanageable na ako. Gumamit ako ng droga. Sinubukan ko ang di dapat subukan,” pag-amin ni JM.
“May mga kailangan akong ayusin sa sarili ko dahil nagkaproblema po ako. Naging iresponsable po ako. Nawala po yung disiplina ko. Lumaki po ulo ko. I lost control,” dagdag niya.
Lumabas si JM sa 2011 remake ng “Mula sa Puso,” pinagbidahan din niya ang “Angelito: Ang Batang Ama” at ang “Angelito: Ang Bagong Yugto.”
Ayon noon sa kanyang ama ay mawawala si JM dahil sa “health problem,” kung saan dito nagsimulang kumalat ang tsismis na siya ang naadik sa ilegal na droga.
“Nung una po actually, ako na rin ang nagprisenta. Sinabi ko na kailangan ko ng tulong. 'Iparehab n'yo ako, kung meron kayong alam na rehabilitation na pwede kong pasukan sana',” kuwento pa niya.
“Mentally, hindi na ako makapagisip ng diretso. Hindi ko na mapagkatiwalaan yung mga sarili kong desisyon. Yung responsibilidad, nawawala na rin sa akin. Disiplina, wala na. Emotionally, hindi ko na kaya i-control.”
Dahil din sa kanyang pagdodroga ay nawala rin sa kanya ang noo'y kasintahang si Jessy Mendiola.
“Sa mga isyu, sa mga ginawa ko sa sarili ko, wala pong kinalaman si Jessy Mendiola. Desisyon ko yun. Choices ko yung ginawa ko. And naging rason kung bakit kami naghiwalay.”
Sa huli ay sinabi ni JM na naeexcite siyang bumalik sa showbiz kung mabibigyan pa ng pangalawang pagkakataon.