MANILA, Philippines - Idedetalye ni Karen Davila ang kwento ng pagbangon ng isang negosyanteng niloko at iniwan ng kanyang mister sa pamamagitan ng paggugol ng kanyang oras at atensyon sa negosyong sabon ngayon (Hulyo 30) sa My Puhunan.
Mala-teleserye ang buhay pag-ibig ni Elizabeth Bacani, ang may-ari ng Mestiza Soap. Devoted siyang asawa’t ina sa kabila ng pagiging subsob sa pagnenegosyo – pero hindi pa rin nito napigil ang kanyang mister upang lokohin siya.
Araw-gabi noong umiiyak si Beth hanggang sa dumating ang negosyong nagpayaman sa kanya at sa kanyang tatlong anak at naghilom na rin ng sugat sa kanyang puso – ang Mestiza Soap.
Walang endorser, billboard o TV advertisement ang Mestiza Soap pero naging patok ito sa mga Pinoy. Ipinagmamalaki ni Beth na ang kanyang whitening at healing soaps na siyang pinakamura at pinaka-natural sa merkado.
Kumikita na ngayon si Beth ng milyun-milyon kada buwan. Mula sa mangilang piraso ng sabon noon na inilalako ng kanyang mga anak, 75,000 piraso na ang ginagawa sa kanilang factory araw-araw.
Kaya naman ang negosyong sabon na nagpaasenso kay Beth, ibabahagi niya sa ilang residente sa Barangay Happy Land sa Tondo, Maynila.
Tutukan na ang katuwang ng Pilipino sa pagsisimula at tagumpay, ang My Puhunan ngayong Miyerkules (Hulyo 30), 4 p.m. sa ABS-CBN.