Kinabog ang sangkabaklaan! ‘Di kagandahang beki, dinarayo ng mga pahadang sikat

Wala man siyang ganda ay punumpuno naman ang kanyang bulsa. Ganu’n kung ilarawan ng sangkabaklaan ang isa nilang kapatid na beki na kilalang-kilala sa kanyang probinsiya.

Sa biglang tingin sa kanyang hitsura ay siguradong magtatanong ka na, “Sinong lalaki ang papatol sa kanyang hitsura na parang tanging nanay lang niya ang makatatanggap?”

Pero huwag isnabin ang ating lola, halos lahat ng mga lalaking personalidad na sikat ngayon ay dumaan na sa kanyang mga kamay, kailangang magmano sa kanya ang mga karelasyon ngayon ng mga male personalities na nakatabi na niya sa kama at nakasamang bumiyahe patungo sa langit-langitan ng kaligayahan.

Ang kawalan kasi niya ng ganda ay natatabunan ng kanyang salapi. Malakas magbigay ang beki sa mga lalaking nakakaulayaw niya. Pamasahe lang ang pera ng lalaki kapag nagpupunta sa kanya pero sa pag-uwi nito ay paldo-paldo na ang kanyang bulsa.

Ang mga male personalities na dumaan na sa kanyang mga kamay ay iisa-isahin natin.

Ang hindi katangkarang magaling na aktor na sikat na ngayon. - Nagsimula sa mga indie movies ang guwapong aktor na ito. Nu’ng hindi pa sikat ang magaling at guwapong aktor ay palaging nasa probinsiya ng hindi kagandahang beki.

Ang mapagdenay at maangas na hunk actor. - Madalas din itong bisita ng beki sa kanyang probinsiya, tuloy-tuloy agad ito sa isang hotel para makipagkita sa pamosong beki at kinabukasan ay lilipad na ito uli pabalik sa Maynila.

Ang morenong aktor na produkto ng isang talent search. - Hawak na ito ngayon ng isang gay businessman at madalas ding magpunta sa probinsiya ng beki. Suma-sideline ito dahil kuripot siguro ang gay businessman.

Ang tinitilian nang lalaking dribol nang dribol ngayon. - Bago ang napabalitang beking komedyanteng may hawak sa kanya ay nakasalo muna nito sa kaligayahan ang probinsiyanong beki. Ngayon na lang ito hindi napagkikita sa malayong probinsiyang ‘yun dahil maganda-ganda na ang kanyang kinikita.

Bukas namin itutuloy ang kuwento tungkol sa hindi kagandahang beki na kinakabog ang sangkabaklaan dahil sa mga pamosong personalidad na nakakaulayaw niya.

Ang dami-dami pa kasi nila, hindi magkakasya ang kanilang mga pangalan at pagkakakilanlan sa isang buhusan lang, kaya hanggang bukas po uli sa ating pitik-bulag.

Ubos!

Claudine parang gustong makitang dapang-dapa si Raymart

Siguro’y mag-iingat na ngayon sa pambubulabog kay Raymart Santiago si Claudine Barretto. Nadala na siguro ang aktres dahil may naipangtapat ang kampo ni Raymart sa kanyang akusasyon na ang mga pasa, pilat, at peklat niya sa mukha at katawan ay dala ng pambubugbog sa kanya ng aktor.

Parang boksingerong nasarapan sa kapapakawala ng suntok si Claudine, tanggap lang naman nang tanggap si Raymart sa kanyang mga upak, pero nang makapag-ipon ng lakas ang aktor ay bigla nitong binigyan ng pamatay na suntok ang kanyang katunggali.

Bagsak ang kanyang kalaban. Biglang sumubsob sa lona. Wala naman kasi ‘yun sa madalas na pagsuntok kundi sa pagpapakawala ng suntok na makapagpapadapa sa kalaban.

Para kasing hindi nag-iisip si Claudine, banat lang siya nang banat para pasakitan si Raymart. Hindi na niya naiisip na baka merong maipangresbak sa kanya ang ama ng kanyang mga anak.

Tulad ngayon, lahat ng bintang niya ay naihanap ng katapat na paliwanag-ebidensiya ng pamilya Santiago. Kaninong palda siya magtatago ngayon dahil sa sobrang pagkasopla sa kanyang mga bintang?

Malilinaw ang mga retratong inilabas ng kanilang kampo, ang kanyang mga pasa sa mukha ay dahil sa pagpapa-liposuction niya ng pisngi at pagpapaalis ng kulaba sa kanyang mga mata, buking ang drama ni Claudine.

Ano naman kaya ang susunod niyang pasasabugin? Kailangang maghanda na si Raymart Santiago, siguradong may kasunod pa ‘yun, hindi titigil si Claudine Barretto hanggang hindi niya nakikitang nakadapa nang dapang-dapa ang nakahiwalay niyang mister.

 

Show comments