Two years hindi nagkasama sina Erich Gonzales at Enchong Dee sa isang project kaya sobrang excited sila sa pagtatambal nilang muli sa Once A Princess na dinirek ni Laurice Guillen para sa Star Cinema. Bale ba marami silang puwedeng pagkuwentuhan habang ginagawa nila ang movie dahil pareho na silang may sabit ngayon unlike sa huli ilang pagsasama na libre pa silang dalawa.
Mas naunang magkarelasyon si Erich sa kanyang non showbiz businessman BF. Kailan lamang inamin ni Enchong ang relasyon nila ng isa ring non showbiz girl na kita ni Erich ay nag-i-inspire na rito nang husto, “Masaya na siya before, pero ngayon he seems more inspired and happy. Happy ako para sa kanya,” anang napakagandang kapareha ni Enchong who seems genuinely happy sa pagkakaro’n ng kanyang ka-love team ng nobya.
Aljur sumabay sa problema ng bansa!
Umagaw sa mga malalaking balita sa dyaryo at telebisyon tungkol sa estado at mga kaganapan sa bansa ang tangkang pag-alis ni Aljur Abrenica sa Kapuso Network o GMA.
Umabot pa sa pagsasampa ng kaso sa korte ang reklamo niya sa network na ang pangangalaga sa kanya ay hindi na raw umaayon sa kagustuhan niya. Dahil marahil sa may kontrata pa siya sa gusto niyang iwang istasyon kung kaya umabot pa siya sa korte para lang mapagbigyan ang kahilingan niyang mai-release siya. Ayon sa aktor na bagaman at magandang napatakbo ng network ang kanyang karera, may mga pagkakaiba silang pananaw sa gusto nila parehong mangyari sa kanyang career.
Thea nami-miss na ni Jeric
Hindi papayag si Jeric Gonzales na mapag-iwanan siya ng kanyang ka-love team at ka-partner sa ilang mga palabas ng GMA na si Thea Tolentino kung kaya in bewteen assignments ginugol niya ang panahon niya sa pagpapaunlad ng kanyang sarili. Mahihiya ang maraming mas may edad sa kanya sa iginanda ng kanyang pangangatawan. Bukod sa pagdyi-gym nakuha niya ang kanyang beautiful body sa pamamagitan ng paglangoy. Mahihiya nga si Dyesebel sa husay niya ngayong gumalaw sa ilalim ng tubig. Nakapagtayo din siya ng isang three member boy group kasama ang ilang mga kaibigan sa GMA. Tumatayo siyang gitarista ng grupo.
Kahit bihirang magkasama, panay ang pagti-text nila ni Thea na sinabihan niyang napakasalbahe ng role sa The Half Sisters na inamin nitong nahihirapan siyang pangatawanan pero gagawin niya ang lahat dahil isa ‘yung challenge.
“Ako rin, wish ko na mabigyan din ng ganun kagandang challenge. Wish ko rin na magkasama kaming muli ni Thea sa isang project. Miss ko na siya,” anang baguhang aktor.
Sunshine atat nang ma-annul
Matagal nang sinabi ni Sunshine Cruz na wala nang balikan na mangyayari sa kanila ni Cesar Montano. Katunayan ay gusto niyang ma-annul ang marriage niya at umasa siyang makakatagpo pa ng bagong pag-ibig sa ibang lalaki.
May tatlong anak na babae si Sunshine na siyang dahilan ng kanyang nagpupunyaging makapagtrabaho pa. Mas nabigyan siya ng pag-asa ngayong bukod sa pag-aartista ay meron pa siyang mga product endorsements na tinatanggap. Akala niya nung una ay hindi na niya mababawi pa ang demand sa kanya bilang artista dahil nga matagal siyang nawala at nagkaead na. “Hindi pala. May room para sa mga gustong maghanapbuhay. Kailangan ko lang ay gumawa ng ilang adjustments dahil nga hindi na ako bata,” masayang sabi ng aktres na sunud-sunod ang proyektong tinatanggap ngayon ay may pera ng higit pa sa P100,000 na dala-dala niya nang maghiwalay sila ng kanyang asawa.
Kakaibang love story nasa MMK
Ibabahagi ng Maalaala Mo Kaya ng ABS-CBN ngayong gabi ang walang kapantay na pagmamahalan nina Hazzy at Liezel Go na nasaksihan ng buong mundo sa pamamagitan ng video ng kanilang kakaibang kasalan noong Hunyo na halos naka-12 million views na sa YouTube sa loob lamang ng isang buwan.
Tuklasin sa MMK ang kwento sa likod ng tinaguriang heartbreaking wedding viral video nina Hazzy, isang pasyenteng may advanced stage 4 liver cancer at ng kanyang girlfriend sa loob ng apat na taon na si Liezel. Alamin ang tunay na dahilan kung bakit kinailangang maganap agad ang kanilang pag-iisang dibdib sa ospital.
Gaganap bilang Hazzy at Liezel sina Carlo Aquino at Kaye Abad.