Ano ba ‘yan? Naturingan na co-producer si Alfred Vargas ng S6parados pero siya ang wala sa presscon noong Huwebes.
Hindi nakadalo si Alfred sa presscon dahil sa kanyang previous commitment sa Bohol. Matagal nang naka-schedule ang pagpunta ni Alfred sa Bohol kaya hindi na ito puwedeng ikansela.
Walang kasalanan sa nangyari dahil noong July 23 ang totoong schedule ng presscon ng S6parados pero hindi natuloy dahil hindi available ang ibang cast member. Ang ending, si Alfred ang naging casualty ng kapalpakan na hindi naman siya ang may kasalanan.
Hindi naman siguro si Ritz Azul ang dahilan kaya nalipat sa ibang araw ang presscon ng S6parados. Si Ritz ang bagong apple of the eye ng direktor na si GB Sampedro kaya kapag nakita ninyo ang poster ng S6parados, parang isa siya sa mga bida, kesehodang tungkol sa mga problema ng anim na lalake ang kuwento ng pelikula.
Wish ko lang, makatulong si Ritz para pilahan sa box office ang S6parados dahil sa totoo lang, hindi ko matandaan ang kanyang mukha.
The who naman si GB? Siya ang direktor ng S6parados na pinag-usapan noon dahil sa maingay na break up nila ng Brazilian actress na si Daiana Menezes. Ex-dyowa rin siya ni Candy Pangilinan, ng isang talent manager at ng TV executive na hindi ko na babanggitin ang name dahil nananahimik na.
Nagkaproblema din si Alfred sa poster ng S6parados pero naayos agad ito.
Ang alam ko, binago ang lay out ng poster dahil nagmukhang inapi si Alfred. To think na kasosyo siya sa pelikula ha?
Ruffa may Charity bazaar
Ngayong hapon, 1 p.m. ang charity bazaar ni Ruffa Gutierrez sa Essensa Condominium, The Fort.
Mabibili sa charity bazaar ni Ruffa ang pre-loved items niya at ng kanyang mga kapatid.
Everything must go at one day sale lang ang charity bazaar na magaganap sa Lawton Tower Function Room ng Essensa Condominium, 5th Avenue corner 21st St., Bonifacio Global City, Taguig.
Kasali rin sa charity bazaar ang celebrity friends ni Ruffa. Maaaliw raw ang mga pupunta dahil mga designer brand ang mabibili nila sa napakamura na halaga.
Mga kapatid ni Bruno Mars may sariling grupo
May reminder naman si Shirley Pizarro, ang grand finals ngayong gabi ng 3rd Philpop sa Meralco Theater.
Isang milyong piso at glass trophy na likha ni Ramon Orlina ang ilan sa mga premyo na matatanggap ng grand prize winner.
Mga host ng 3rd Philpop sina Christian Bautista at Iya Villania. Special performers sina Gary Valenciano, Kuh Ledesma, Julie Anne San Jose, Gloc9, Sam Concepcion, Tippy Dosa Santos, Raimund Marasigan, at ang LYLAS, ang all-girl singing group na mga kapatid ni Bruno Mars.
Ang sabi ng mga nakarinig sa kanta ng 12 finalists, malaki ang chance na mag-win ang Awit Mo’y Nandito Pa na composition ni Toto Sorioso at kinanta ng magpinsan na Youtube sensation, sina Aldrich Talonding at James Bucong.
AIAI biglang inatake ng hapo
Sinusumpong kahapon si AiAi Delas Alas ng asthma. Dalawang doktor ang pinuntahan ni AiAi para mawala ang kanyang ubo at hapo.
Bawal na bawal na magkasakit si AiAi dahil ngayong gabi ang concert nila ni Rico Puno sa Solaire Grandballroom, ang Macho Gwapita.
Kung kailan malapit na ang kanilang show sa Solaire, saka sinumpong si AiAi ng hika. Tiniyak ni AiAi na walang dapat ipag-alala ang mga manonood ng Macho Gwapita dahil sisipot siya.
Usong-uso ngayon ang sakit dahil sa unpredictable weather at kabilang si AiAi sa mga biktima ng klima na pabagu-bago.