MANILA, Philippines - Kaugnay ng kanilang misyon na makapaghatid ng Serbisyong Totoo, mabilis na umaksyon ang GMA Kapuso Foundation upang tulungan ang kanilang mga kababayan na nasalanta ng bagyong Glenda.
Dalawang araw matapos pumasok sa Philippine area of responsibility ang bagyo, ay mahigit 15,800 na ang napaglingkuran ng GMAKF sa iba’t ibang rehiyon. Noong Hulyo 14, nagpadala agad ng unang Kapuso team ang GMAKF sa probinsiya ng Albay.
Ilang oras bago ang kasagsagan ng bagyo ay nagsimula nang mamigay ng relief goods ang GMAKF sa mga evacuees ng Pulilang, Albay, at sa kasalukuyan ay 4000 tao na ang natulungan dito. Habang 550 naman ang bilang ng nabigyan ng mainit na pagkain mula sa isang soup kitchen na itinayo sa Bulelak Gym, Malanday, Marikina. Halos 100 na pamilya rin ang nabigyan ng relief goods sa Bangkulasi, Navotas habang 250 na tao ang nabigyan ng mainit na pagkain. Mahigit 4000 evacuees naman ang nabigyan ng relief goods sa Orion, Bataan.
Mga large-scale relief operations din ang nakatulong sa mahigit 7,000 na tao mula sa Antimonan, Quezon, isa sa mga pinakanasalantang lugar.
Magsasagawa rin ng medical mission ang GMAKF sa Quezon at Bicol na nakaranas din ng matinding epekto ng bagyong Glenda.
Patuloy na tumatanggap ng mga donasyon ang Foundation tulad ng bigas, noodles, de lata, ready-to-eat food packs, mga banig at kumot sa GMA Kapuso Foundation office, GMA Network Drive cor. Samar sts., Diliman, Quezon City o sa GMA Kapuso Foundation warehouse, 366 GMA Network compound, Tandang Sora Avenue, Barangay Culiat, Quezon City ng Lunes-Biyernes, 9:00AM-6:00PM.