Nakikiramay ako kay Gob. Vilma Santos sa pagpanaw ng kanyang confidante at chief accountant na si Aida Fandialan. Napakatagal at haba ng kanilang pinagsamahan kung kaya parang pamilya na rin niya ito. Nasa London ang gobernadora nang makarating sa kanya ang balita na na-stroke ito.
Muli, ang aking pakikiramay.
Erik at Angeline totohanan daw ang nararamdaman
Sana nga magtagal ang magandang relasyon ngayon nina Erik Santos at Angeline Quinto bilang magdyowa. Marami ang nag-aakalang gimik lang ang relasyon nila o biruan lang, pero ang dalawa na ang nagsasabi na totohanan ito at dasal nila ay magtagal ang kanilang relasyon dahil sa ngayon, masaya sila sa kanilang pagiging mag-on.
Oo nga naman. Kung masaya kayo, walang karapatan ang sinuman na pagdudahan kayo. Kayo lamang ang makapagsasabi kung hanggan kailan kayo magtatagal, pero ako man ay kasama n’yo sa pagdarasal na sana kayo na nga.
Jodi at PaMPi magkasundung-magkasundo
Nakapagtataka ba kung in good terms sina Jodi Sta. Maria at ang ex niyang si Pampi Lacson? Kayo naman, meron silang isang anak na magbubuklod sa kanila habang buhay. Ayaw man nilang mag-usap ay wala silang magagawa kundi ang gawin ito dahil kailangang silang dalawa ang magpalaki sa anak nila kahit hiwalay na sila at may kanya-kanya nang buhay.
Kakaunti lang naman yata ‘yung dating mag-asawa na nagkanya-kanya na at hindi nagpapansian kahit may mga anak. Sa mga anak ng mga ex-couple na ito ako naaawa dahil makasarili ang mga magulang nila! But with Jodi and Pampi, okay na sila. Kaya okay din ang anak nila. Katunayan, inimbita ni Jodi sa thanksgiving concert ng Be Careful With My Heart ang ama ng kanyang anak. Sana pumunta ito, at sana isama na rin niya ang pamilya niya para makita ng lahat na okay na okay na okay na talaga sila.