PIK: Pinatulan na ni Pauleen Luna ang isang basher na nagkomento sa Instagram account niya na parang ayaw maniwala sa kasimplehan ng relasyon nila ni Vic Sotto.
Nag-post kasi si Pauleen sa isang Coke in can na may nakatatak na “babe” at tuwang-tuwa na doon ang actress/TV host.
Ayaw maniwala ng basher na ito na tingin ay sosyal pa rin ang magkasintahan. Pero noon pa man ay sinasabi na ni Pauleen na iyun ang kaibahan ng relasyon nila ni Vic.
Masaya na raw sila na nakakakain lang sa isang simpleng restaurant at minsan nga raw kapag walang tao, happy na silang kumakain ng fishball sa kalye. Ang huling bigayan nga raw nila ng regalo ay wall clock, at masaya na raw sila run.
Sana huwag na raw silang husgahan ng bashers na hindi naman sila kilala nang lubusan.
PAK: Napabuntung-hininga na lang si Raymart Santiago sa kumalat na intrigang nagdi-date raw sila ni Bettina Carlos.
“Ang tagal na niyan!” bulalas ng aktor.
Matagal na raw siyang tinutukso kay Bettina nung magkasama sila sa Villa Quintana.
Pero wala raw talagang namamagitan sa kanila. Nakalabas daw sila minsan, pero marami raw silang mga kasamahan niya sa Villa Quintana.
“Hindi pa ako puwede,” sabi pa nito.
Gusto man daw niyang pumasok sa bagong relasyon, hindi pa raw talaga puwede hangga’t hindi pa tapos ang kasong hinaharap nila ni Claudine Barretto.
BOOM: Dumalo si Dennis Padilla sa hearing ng petition ni Julia Barretto na change of name sa family court ng QC-RTC sa sala ni Judge Manuel B. Sta Cruz Jr.
Nagbigay ng gag order ang judge sa pakiusap ng kampo ni Julia, at hintayin pa raw ang response ng bawat panig pagkatapos ng limang araw.
Pati ang Motion to Intervene na isinumite ni Dennis ay pag-aaralan pa raw ng korte at hihingan ng sagot ang kabilang panig pagkatapos ng limang araw.
Inamin ni Dennis na nagkausap sila ni Julia, pero hindi lang daw sila gaanong nagkalinawan at iniintindi na lang daw niya ang nararamdaman ng kanyang anak nung mga oras na iyun.
Sabi ng aktor; “Nagkausap kami, kaya lang ‘yung explanation na binibigay niya sa akin…hindi niya totally naintindihan. Ako in-explain ko ‘yung side ko as a father, and siyempre emotions were high. I don’t think maintindihan niya fully.
“Kailangan lang ni Julia siguro, meron lang isang tao na makakapagpaliwanag ng buo on both sides. Buong paliwanag on the side of the mother, and buong paliwanag dun sa side ko.
“Ako mabigyan lang ako ng 5 minutes kay Julia, maipapaliwanag ko to. Baka wala pa ngang 5 minutes, baka 3 minutes na ako lang muna ang magsasalita sa kanya, maipapaliwanag ko to.”