Ikinaloka ko ang balita na pinabagsak sa airspace ng Ukraine ang commercial plane ng Malaysian Airlines na nanggaling sa Amsterdam.
May reason ako para maloka dahil mula sa Edenkoben, Germany, pupunta kami ni Lorna Tolentino at ng kanyang mga anak na sina Rap at Renz sa Amsterdam.
Hindi ko naman pinangarap na mula sa Amsterdam eh dumaan sa himpapawid ng Ukraine ang eroplano na sasakyan namin na pabalik sa Pilipinas. Ayoko! Ayoko!
Dyuskoday, makakarampa ka nga sa Amsterdam, hindi mo naman alam ang mangyayari habang pabalik ka sa Pilipinas?
Pero confident ako na hindi na mauulit ang nangyari sa Flight 17 ng Malaysian Airlines dahil tiyak na maghahanap na ng ibang ruta ang lahat ng mga eroplano para hindi na sila dumaan sa Ukraine.
Sa totoo lang, nakakapanglumo ang nangyari sa MAS17 dahil sa 295 na pasahero na nagbuwis ng buhay. Nakakalungkot na malaman na may Pilipina na namatay, kasama ang kanyang dalawang anak.
Nang marinig ko ang balita, ang nawawalang flight ng MAS370 ang unang pumasok sa isip ko. Ang akala ko, natagpuan na ang eroplano pero ibang flight pala ng MAS ang sangkot sa trahedya.
Ipagdasal natin na magkaroon ng hustisya ang senseless killing sa mga pasahero ng MAS17.
Live cells treatment sa Germany tagumpay
Nagpapasalamat ako kay Dr. Robert Janson Muller dahil sa successful live cells treatment niya sa amin ni Lorna sa Hotel Luitpold, Edenkoben, Germany.
Mahusay talaga si Dr. Muller dahil feeling brand new person uli kami ni LT. Maraming salamat din kay Joey Santos na nag-facilitate ng biyahe namin ni LT sa Germany.
Ikukuwento ko sa inyo ang kumpletong detalye ng second round ng fresh stem cell therapy sa amin ni LT sa pagbabalik namin sa Pilipinas sa darating na Linggo.
Mga bagets hindi naranasan ang simpleng buhay dahil sa wifi
Kaliwa’t kanan pala ang brown out sa Metro Manila at ayon ito sa mga maid of honor ko sa bahay.
Mahirap pa naman kapag nawawalan ng kuryente sa lugar namin dahil hindi rin kami makagamit ng mga telepono. Parang may ex-deal yata sa Meralco ang PLDT dahil busted ang mga linya ng landlines namin sa tuwing may power failure.
Mas matatagalan ko ang mawalan ng kuryente kesa mawalan ng tubig.
Kapag nagkaroon ng brown out, puwedeng magpaypay kapag naiinitan. Dusa kapag ang tubig ang nawala dahil mahirap kumilos.
Eh masyado nang spoiled ang mga kabataan ngayon na super-emote kapag nawalan ng signal ang kanilang mga cell phone, cable channel at wifi.
Nakadepende na lang ang buhay nila sa mga gadget. Para bang katapusan na ng mundo kapag hindi sila nakapag-text, nakapag-surf sa Internet, o nakapanood sa cable TV.
Kawawang mga bagets dahil hindi nila nararanasan ang simpleng pamumuhay na mas masaya at hindi kumplikado.
Hindi nila na-experience na lumabas ng bahay kapag brown out at maglaro ng patintero na tanging liwanag lang ng buwan ang tanglaw.
Noong active pa ako sa pagiging reporter, hindi problema sa amin na walang kuryente dahil mano-mano ang pagmamakinilya namin sa mga artikulo na personal na dinadala sa mga publication office.
Ngayon? Hirap na hirap ang mga reporter na mag-deadline kapag brown out dahil walang Internet at hindi sila makapagpadala ng email. Ginawa na talagang kumplikado ng modern technology ang dating simple na pamumuhay ng mga tao.