MANILA, Philippines - Susuungin na ng top 6 young artists ng top-rating at Twitter-trending na The Voice Kids ang panibagong laban para kumanta at makuha ang boto ng publiko sa Live Semi-Finals ngayong Sabado (Hulyo 19).
Handa nang ipaglaban nina Darlene Vibares at Tonton Cabiles ng Team Lea, Juan Karlos Labajo at Edray Teodoro ng Kamp Kawayan, at Darren Espanto at Lyca Gairanod ng Team Sarah ang kanilang pangarap na makatungtong sa Grand Finals sa susunod na linggo at tanghaling The Voice Kids grand champion.
Siguraduhing tumutok sa Semi-Finals dahil dito ilalantad ang kumpletong voting mechanics at bubuksan ang botohan pagkatapos ng Saturday show.
Ang apat na makakakuha ng pinakamataas na porsiyento ng mga boto ang magtutunggali sa Grand Finals, kung kaya’t may isang coach na magiging dalawa ang pambato sa pagpili ng natatanging The Voice.
Sino-sino ang apat na young artists na kakampihan ng publiko at sasabak sa Grand Finals?
Ang tatanghaling grand champion ay mag-uuwi ng P1 milyon, one-year recording contract mula sa MCA Universal, house and lot, home appliance showcase, musical instrument showcase, at P1 milyong worth ng trust fund.