Nagtatanong ang mga Pinoy celebrity na naninirahan sa ibang bansa kung saan nila puwedeng ipadala ang kanilang tulong para sa mga biktima ng typhoon Glenda.
Napanood ng mga Pinoy celebrity sa mga cable news channel ang pinsala na iniwan ng typhoon Glenda sa Pilipinas kaya nabagabag ang kanilang mga damdamin.
Isa lang ang problema nila, ang agency na tatanggap ng kanilang tulong dahil wala pa raw advisory o announcement ang Philippine Red Cross.
Ang BBC ang isa sa mga unang cable news channel na naglabas ng balita tungkol sa perwisyo na dinala ng typhoon Glenda sa ating bayan. Nakakaloka ang mga litrato at video footage na inilabas ng BBC dahil nagmistulang helpless na helpless ang mga Pinoy. Sobrang lakas ng impact ng litrato ng mga nawasak na barung-barong na ipinakita ng BBC.
‘Eucalyptus tree ko hindi rin pinalampas ng bagyo’
Casualty ng typhoon Glenda ang giant eucalyptus tree sa harap ng bahay ko.
Nalungkot ako nang malaman ko na nabuwal ng malakas na hangin na dala ng typhoon Glenda ang puno na panlaban namin sa mga lamok at ibang klase ng insekto.
Iniisip ko kung puwedeng itanim pa uli ang natumba na eucalyptus tree dahil nakapanghihinayang talaga kung pababayaan na lang siya na mawalan ng silbi sa mundong ibabaw.
Jose tuloy ang panliligaw kay Eugene
Isang kakaiba na party ang magaganap bukas, July 19, sa Celebrity Bluff Season 6 ng GMA Network dahil magdiriwang ng kaarawan ang award-winning host/comedienne/actress na si Eugene Domingo.
Magkakaroon ang mga Kapuso viewers ng isang gabi ng puno ng nonstop fun at excitement sa birthday celebration ni Eugene.
Mula sa nakakatuwa na opening dance number ng Jo-Ge love team hanggang sa kapana-panabik na jackpot round, sure na sure na magdadala ng kasiyahan ang Celebrity Bluff sa televiewers.
Sa pagdiriwang ng kaarawan ni Eugene ay nagpahayag ng kagalakan ang kanyang Pambansang Manliligaw na si Jose Manalo. Pabiro na ibinahagi ni Jose ang mga dahilan kaya kinagigiliwan ng mga Pilipino ang love team nila ni Eugene.
“Alam na alam naman kasi ng mga tao na may gusto siya sa akin. Nararamdaman ‘yon ng mga tao. So parang nade-develop na rin ako ng konti pero pinag-iisipan ko pa kasi medyo may edad na kami,” ang dialogue ni Jose na tiyak na ide-deny ni Eugene.
Jackie at Danica hindi nag-iiwanan
Iilan ang nakakaalam na best of friends sina Jackie Forster at Danica Sotto.
Kasalukuyan na nagbabakasyon sa Singapore ang mag-asawang Danica at Marc Pingris, kasama ang kanilang dalawang anak.
Ang pagbisita kay Jackie at sa mga anak nito sa bahay nito sa Singapore ang unang ginawa nina Danica at Marc.
Parang magkapatid sina Jackie at Danica dahil malalim ang kanilang friendship.
Isa si Danica sa mga nagpapalakas ng loob ni Jackie nang magkaroon ng leukemia ang anak nito na si Caleigh. Kapag umuuwi ng Pilipinas si Jackie, hindi puwede na hindi siya makikipagkita kay Danica at sa pamilya nito.