Minsan lang sa isang taon kung dumating ng bansa ang anak ni Piolo Pascual na si Iñigo at ito ay kapag bakasyon siya sa iskwela sa U.S. Itong huli niyang pagdating ay hindi siya nakatanggi sa temptation na gumawa ng pelikula sa kumpanya ng kanyang ama. Bagaman at hindi pa man nasisimulan ang promosyon ay pinakaaabangan na ng lahat dahil nga excited sila na malaman kung ang bagets ay kasinggaling sa pag-arte ng kanyang ama o kung ito ay kasingguwapo rin ni Piolo. Pero madamot si Piolo na bigyan ng exposure ang kanyang anak. Nakagawa na ito ng movie, pero bawal itong madalaw sa set, ma-interview at magkaroon ng presscon. Gusto ni Piolo ma-enjoy ng anak ang bakasyon nito rito.
Pero sa malas, mahihirapan si Piolo sa kanyang pagnanais na maging pribado ang anak at maitago sa mapanuring pansin ng publiko. Sa pagpayag niyang makasama itong maging endorser ng Sun Life Financial, mas inilagay pa niya sa pansin ng publiko ang kanyang anak. Ang bakasyon nito sa taong ito ay iikli ang oras. Hindi lamang ang promosyon ng pelikula nitong Relaks, It’s Just Pag-ibig ang kukuha ng panahon nito kundi ang promosyon din ng Sun Life Financial. Hindi naman puwedeng sa video na lamang makita ang bagets. Katunayan, maging ang unang plano ni Piolo na magrelaks at simulan na ang kanyang early retirement ay napurnada na. Kinakailangan niyang samahan ang kanyang anak sa mga lakad nito. Bukod sa menor de edad it, ay wala pa itong muwang sa takbo at kalakaran ng showbiz.
“Ayaw ko sana, pero na-realize ko na sayang naman kung ipagkakait ko sa kanya ang pagkakataon na kumita para sa kanyang kinabukasan,” paliwanag ng ama.
Pero hanggang dito lang ang pagpayag niyang mag-artista ang anak. Tumanggi siya sa plano ng Star Magic na ilunsad ito bilang artista. “Hindi naman siya magtatagal dito, bakasyon lang siya. Babalik din siya ng Amerika para sa isa pang round ng audition para sa Nashville. Hindi para sa kanya dahil tapos na itong mag-audition kundi para sa mga makakasama niya sa TV musical drama,” dagdag pa ni Piolo na mas okay na sa U.S. mag-artista ang anak dahil dun daw ay siguradong hindi nito mapababayaan ang kanyang pag-aaral.
Pagkatapos lamang ng iskwela niya siya puwedeng mag-train para sa musical. Sabi nga ng ama ay gusto niyang pagbutihin ng anak ang trabaho niya para sumikat ito. Kapag sikat na raw ito dun, madali na itong makakakuha rito ng trabaho kapag umuuwi ito.