MANILA, Philippines - Ngayong Linggo, Hulyo 13, samahan ang batikang mamahayag na si Jessica Soho sa isang nakabubusog at nakatatakam na episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA 7. Lilibutin ng KMJS ang Luzon, Visayas at Mindanao para matikman ang mga ipinagmamalaking Sarap ng Pilipinas.
Magbabalik-bayan si Jessica sa La Union para magluto kasama ang kanyang ama ng sariling bersyon nila ng papaitan at ang pambatong kakanin ng mga Ilokano, ang tupig.
Alamin din sa KMJS ang mga sikretong recipe ng mga putaheng iilan na lang ang nakakaalam kung paano lutuin tulad ng ladek ng Ilocos Norte at chicken delino ng mga taga-Quezon.
Samantala, magkakaalaman na kung sino sa mga pansiteria na institusyon na sa pagpa-Pancit Malabon ang hindi tutulog-tulog sa pansitan sa pamamagitan ng isang food battle sa Malabon.
Tampok din sa KMJS ang isang putahe ng mga Boholano na lulutuin sa isang kusina na nagkakahalaga ng 2 milyong piso at ang tagisan ng dalawang chef sa ekta-ektaryang sagingan ng Tagum City, Davao del Norte sa paghahanda ng panghimagas na gawa sa saging.
Lasapin ang Sarap Pilipinas! sa Kapuso Mo, Jessica Soho Food Special ngayong Linggo, Hulyo 13, pagkatapos ng GMA Blockbusters.