MANILA, Philippines - Isang babaeng naakusahang sangkot sa pagpapasabog sa bahay ng kanyang asawa ang gagampanan ni Pokwang (Lovinia) sa Ipaglaban Mo ngayong Sabado (Hulyo 12).
Agad natuldukan ang masayang pagsasama nina Lovinia at Eric (Dominic Ochoa) nang sugurin sila ni Eira Bianca (Diane Medina), ang una at legal na asawa ni Eric. Nagbanta si Eira na idedemanda ang dalawa kung ipagpapatuloy nila ang kanilang relasyon kaya naman napilitan si Eric na iwan si Lovinia.
Dahil sa pagnanais na muling makasama si Eric, desperadang lumapit si Lovinia sa manghuhulang si Mistah (Odette Khan) na nangakong ibabalik ang kanyang asawa sa pamamagitan ng isang ritwal.
Lingid sa kaalaman ni Lovinia na hahantong pala ito sa isang krimen nang pinasabog ni Mistah ang bahay nina Eric at Eira na kumitil sa buhay ng isang kaibigan. Sina Lovinia at Mistah ang mga itinuturong suspek sa insidente. Ano ang pananagutan ni Lovinia sa krimen? Maituturing ba siyang kasabwat dito bagamat wala siyang kinalaman sa planong pagtatanim ng bomba ng manghuhula?
Ang episode ngayong Sabdo na pinamagatang Umasa ako sa Hula ay idinerehe ni Erick Salud.