MANILA, Philippines - Lahat tayo naghahanap ng pagmamahal, ngunit paano kung ang mahanap mong pagmamahal na makapagpapasaya sa ‘yo ay isa palang mali at bawal na pag-ibig?
Ito ang kuwento ng buhay ni Kim (hindi niya totoong pangalan), isang dalaga na matapos ipasa ng sariling ina para ipaalaga sa iba, ay nakatagpo sa wakas ng pagmamahal na nagpapaligaya sa kanya sa piling ni Mang Orly.
Mabait si Mang Orly. Siya ay maaruga at maalalahanin. Dito naramdaman ni Kim ang isang kakaibang pagmamahal na walang halong sumbat at walang panghuhusga. Mas may edad man ang lalaki sa kanya, nakita rin ng mga tao kung paanong nabago ni Mang Orly ang buhay ni Kim. Kung paano niya ito napabuti.
Kaya naman hindi nagdalawang-isip si Kim na ipakilala si Mang Orly sa kanyang ina. Isang pagpapakilala na sisira sa lahat. Dahil nagkakilala na pala noon sina Orly at ina ni Kim na si Yolly. Dahil may namagitan na sa kanila noon. Dahil nagkaroon sila ng anak.
Paano haharapin nina Kim, Mang Orly, at Yolly ang kapalarang inihain sa kanila? Magagawa pa bang itama ang isang pag-ibig na ipinagbabawal?
Itinatampok sina Louise delos Reyes sa isang natatanging pagganap bilang Kim, si Ricky Davao bilang Mang Orly, at si Gina Alajar bilang Yolly. Kasama rin sina Mel Kimura, Reese Tayag, at Bryan Benedict, with the special participation of Phytos Ramirez.
Mula sa direksyon ni Gil Tejada, Jr., sa panulat ni Michiko Yamamoto at sa pananaliksik ni Loi Argel Nova, tuklasin ang kinahantungan ng kuwentong Ama ko, Ama ng Anak ko ngayong Sabado sa Magpakailanman pagkatapos ng Marian sa GMA7.