Bea, gaganti na sa mga manloloko

MANILA, Philippines - Kapit na kapit na ang buong sambayanan sa mas kapanapanabik na kwento ng primetime drama series ng ABS-CBN na Sana Bukas pa ang Kahapon lalo na ngayong nagkrus nang muli ang landas ng mga karakter nina Bea Alonzo at Paulo Avelino.

Patunay dito ang datos mula sa Kantar Media noong Martes (Hulyo 8) kung kailan humataw ng national TV rating na 20.4% ang episode ng tele­serye kung saan nakaharap na ni Rose (Bea) ang asawa niyang si  Patrick (Paulo) at ang kanyang stepsister na si Sasha (Maricar Reyes) matapos ang malagim na aksidente.

Samantala, mas paiinitin ng Sana Bukas Pa Ang Kahapon ang gabi ng TV viewers ngayong handa na si Rose, sa pamamagitan ng pagkatao ni Emmanuelle, na isagawa ang planong paghihiganti laban kina Patrick at Sasha matapos siyang lokohin ng mga ito.

Hanggang kailan kayang magpanggap ni Rose para sa hustisya na kanyang inaasam? Magtatagumpay ba ang plano nila ni Ruth (Susan Roces) sa paghahanap sa taong nagpasabog ng sasakyan ni Emmanuelle? Ano ang mananaig sa puso ni Rose sa kanyang paghihiganti kay Patrick—galit o pagmamahal?

Sa ilalim ng Dreamscape Entertainment Television, ang Sana Bukas Pa Ang Kahapon ay kwento ng dalawang magkaibang babae na naghahangad na makamit ang hustisya. Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Trina Dayrit at Jerome Pobocan.

Housemates, namumuhay nang magkahiwalay

Nagsimula nang mamuhay nang magkahiwalay ang Pinoy Big Brother All in housemates matapos hatiin ni Kuya ang kanyang bahay sa dalawang magkaibang area at dalawang grupong pinamumunuan ng kambal na sina Fourth at Fifth.

Pinili nina Vickie, Daniel, at Loisa na mapunta kay Fourth, habang nagpasya namang sumama kay Fifth sina Jane, Joshua, Cheridel, Maris, at Manolo. Bawal silang makipag-usap  at tumawid sa area ng kabilang grupo. Siguradong magiging isang malaking pagsubok ito dahil pinaghiwalay rin ang kanilang supplies at kagamitan sa bahay.

Isa lamang ito sa  mga bagong hamong haharapin ng sampung nalalabing housemates na tinaguriang PBB All In 10.

Paano kaya nito babaguhin ang samahan ng housemates pati ng kambal? Paano nito maapektuhan at susubukin sina Fourth at Fifth, na aminadong hindi malapit sa isa’t isa bago pumasok sa Bahay ni Kuya?

Ano-anong hamon kaya ang kanilang haharapin bilang dalawang magkaibang grupo?

Bago pa man ang pagbubukod na ito, pinagbangga ni Kuya ang grupo ng teen at adult housemates upang makuha ang listahan ng mga nominado para ma-evict at kabilang dito sina Jane, Daniel, Cheridel, Manolo, at Loisa.

Para i-save ang iyong paboritong housemate, i-text lang ang BB <name of housemate> at i-send ito sa 2331 para sa Globe, TM, Sun Cellular, at ABS-CBNmobile subscribers, at sa 231 para sa Smart at Talk ‘N Text subscribers. Nagkakahala­gang P2.50 ang bawat botong ipapadala para sa Globe, TM, Smart, at Talk ‘N Text, P2 sa Sun Cellular, at P1 naman para sa ABS-CBNmobile.

Show comments