Ayon sa graphologist Zsa Zsa at karelasyon na architect hindi raw compatible!

MANILA, Philippines - Excited ang Divine Diva na si Zsa Zsa Padilla sa ikatlong quarter ng 2014 dahil sa mga proyekto niya tulad ng ikatlong season ng reality-based talent search para sa mga bata, ang Promil Pre-School i-Shine Talent Camp, na ipinapalabas tuwing Sabado ng umaga pagkatapos ng Spongebob Square Pants sa ABS-CBN.

Sina Dimples Romana, Matteo Guidicelli, at Xian Lim ang mga hosts ng i-Shine Talent Camp Year 3.

Napili si Zsa Zsa bilang isa sa mga mentors ngayong taong ito kasama sina Georcelle Dapat-Sy at Angel Locsin. Bilang isang beteranang mang-aawit, recor­ding artist, at concert perfor­mer na 30 years na sa industriya, gagabayan ni Zsa Zsa ang top 12 i-Shiners sa pagde-develop ng kanilang aptitude sa larangan ng musika.

Naghahanda rin si Zsa Zsa sa huling dalawang linggo ng pinag-uusapan na primetime teleserye, ang Mars Ravelo’s Dyesebel. Sa seryeng ito, ginagampanan ni Zsa Zsa ang role ni Ena Montilla, na isa sa mga kontrabida na nagpapahirap kay Dyesebel.

Tuwing Linggo naman ng tangahli, regular na napapanood si Zsa Zsa bilang isa sa mga main host ng flagship noontime musical variety show ng ABS-CBN na ASAP.

Sa pelikula naman, katatapos lang ni Zsa Zsa na mag-shooting para sa title role na M. (Mother’s Maiden Name) under Quantum Films. Sa panulat at direksyon ni Zig Dulay, ang M. (Mother’s Maiden Name) ay tungkol kay Madame Bella (Zsa Zsa), isang single working mother na may cancer.

Iha­handog ng pelikulang ito ng insightful commentary sa malaking pagkakaiba ng mga medical treatments na meron dito sa bansa para sa mga mayayaman at mga dukha. Lalahok sa isang international film festival ang M. (Mother’s Maiden Name) at magkakaroon ito ng mainstream theatrical release bago matapos ang taon.

Ito ang magsisilbing big comeback ni Zsa Zsa sa Pinoy indie film circuit mula noong ginawa niya ang Sigwa na dinirehe ni Joel Lamangan noong 2011. Ang standout performance ni Zsa Zsa bilang si Cita na isang NPA leader sa naturang indie ang siyang dahilan kung bakit siya pinarangalan bilang Best Supporting Actress ng 8th Golden Screen Awards For Movies ng Entertainment Press Society.

Ang kanyang ikalawang full-length solo studio album naman under Polyeast Records na pinamagatang Noon, Ngayon, Bukas, Kailanman…Palagi ay mabibili pa rin sa record bars. Ang album na ito, na pinarangalan kamakailan ng Gold Record award para sa outstanding sales, ay mayroong 10 tracks na kinabibilangan ng carrier single nito na Palagi, ang follow-up single nito, ang  Without You, Maging Sino Ka Man – na isang duet kasama si Martin Nievera, at ang All Cried Out na isang orihinal na komposisiyon ni Zsa Zsa. 

“Sobrang blessed at humbled ang aking pakiramdam dahil bahagi ako ng magagandang mga proyekto,” ayon kay Zsa Zsa. “Masarap maging abala sa trabaho at lubos akong nagpapasalamat sa patuloy na tiwala sa akin ng ABS-CBN at Polyeast Records bilang isang artist. Memorable din ang experience ko sa Quantum Films. Ngayong 30 taon na ako sa industriya, tunay kong masasabi na madami pa akong gustong ma-accomplish sa aking craft. Excited po ako kung ano ang naghihintay para sa akin sa future.” 

At kung maganda ang takbo ng career ni Zsa Zsa, makulay din ang lovelife niya  dahil sa boyfriend na si Conrad Onglao.

Kaya lang, balitang hindi nag-match ang analysis ng kanilang hand writing nang tingnan ito ng isang graphologist.

Oh oh. Negative sign ba ‘yun na seseryosohin ni Zsa Zsa o dededmahin na lang bilang maligaya naman ang relasyon nila ng sikat na arketikto.

Acting ni Jackie Rice napuri ni Direk Joel

Walang duda na mapangahas ang role na ginagampanan ng GMA Artist Center star na si Jackie Rice sa pelikulang Kamkam (Greed) na nagsimula nang ipalabas sa mga sinehan kahapon. Kakaiba ito sa mga nakasanayang role ng StarStruck Ultimate Female Survivor. Sa kabila nito, maraming bagay daw ang nagtulak kay Jackie na maging bahagi ng naturang pelikula.

 “Sa galing ng direktor, ganda ng istorya, at sa husay ng cast, parang wala akong karapatang tanggihan ang project na ‘to,” Jackie muses.

Ipinapakita sa Kamkam ang epekto ng korupsyon sa mga taong lugmok na sa kahirapan. Pangatlong asawa ng isang siga-sigaang sanggano ang role ni Jackie sa pelikula.

Isa rin daw sa mga dahilan kung bakit tinanggap  ni Jackie ang break na ito ay dahil sa prem­yadong direktor na si Direk Joel Lamangan. Matagal na raw pangarap ni Jackie gumawa ng isang proyekto sa patnubay ni Direk Joel.

 “Masaya ako at natupad na ang pangarap ko. Ang dami kong natutunan kay Direk Joel. Mara­ming nakapansin na iba ang atake o approach ko rito,” saad ni Jackie.

Isa na siguro sa mga maipagmamalaki ni Jackie ang pagbigay-puri sa kanya ni Direk Joel. Nagbunga ang lahat ng pagod ng aktres nang ituring siyang “new discovery” ng batikang direktor.                             

Show comments