MANILA, Philippines - Labing-isang taong nalulong sa droga at alak si Aying Viñas bago niya tuluyang iniwan ang makasalanang buhay. Ngayon, inspirasyon niya ang kanyang mapait na nakalipas sa kanyang pagnenegosyo ng matatamis na pastillas.
Ngayong Miyerkules (Hulyo 9) sa My Puhunan, ibabahagi ni Karen Davila kung paano nag-bagong buhay si Aying at bumangon mula sa pagkalulong sa droga para itaguyod ang kanyang pamilya.
Matapos mamatay ang kanyang ama noong nagbibinata pa lang siya, isinakripisyo ni Aying ang pag-aaral upang magtrabaho sa ina bilang taga-halo ng pastillas. Sa kasamaang palad, napariwara si Aying at napunta sa alak at droga ang kanyang kinikita.
Pag-ibig para sa kanyang asawa at ang pagkamatay ng kanilang unang anak ang nagpabago kay Aying. Gamit ang perang ipinadala ng kanyang misis na nagtatrabaho noon sa Taiwan, binalikan ni Aying ang trabahong minsan niyang minahal noon – ang pagluluto ng pastillas.
Sa lakas ng kita ng kanilang pastillas na gawa sa gatas ng kalabaw, nagkaroon sila ng sapat na kita upang pauwiin na niya ang asawa sa Pilipinas. Ngayon, napapag-aral na ni Aying ang mga anak sa prestihiyosong kolehiyo, isang bagay na hindi niya naranasan.