Harlene iniiyakan ang ginawang pagdemanda sa kaibigang direktor na nagdispalko ng malaking pera

Nakausap namin sina Harlene Bautista at Romnick Sarmenta bago ang premiere night ng Kamkam at nabanggit ng mag-asawa na arraign­ment ni director Dante Garcia sa July 30. Dito babasahin ang charges laban sa director.

Sabi ni Harlene, hindi niya sinampahan ng kaso si Direk Dante para sirain at siraan dahil kaibigan niya ito for 15 years. In fact, nang mag-file siya ng kaso at habang papunta sa City Hall, umiyak siya at tuwing may hearing umiiyak siya. Kaya lang, kailangan maayos na ang kaso at malaman kung saan napunta ang malaking halaga na nawala sa kanilang kompanya.

Ayon naman kay Romnick, ang rason ng pagsasampa nila ng kaso ay dahil may mga napag-usapan ang Hea­ven’s Best Productions at si director Dante na hindi nasunod at nagkaproblema rin sa liquidation.

Kahit may problema, masaya sina Harlene at Romnick sa grade A na ibinigay sa Kamkam ng CEB at R-16 without cuts rating ng MTRCB. Maganda ang pelikula at script, napapanahon ang tema, at mahusay ang buong cast.

Kahit galit ang BF at ama Jackie masaya at hindi nagsisi sa ginawang pakikipaglampungan sa pelikula

Nabalita ang pagwu-walkout ng boyfriend ni Jackie Rice nang kunan ang love scene nila ni Allen Dizon sa Kamkam dahil hindi natagalan ang eksena. Wala rin sa premiere night ng movie na showing bukas na, July 9 ang nobyo ng aktres for the same reason na hindi matagalan ang eksenang nakikipaglampu­ngan ang GF sa screen kahit alam na acting lang ‘yun.

Pero pati ang ama ni Jackie, hindi natuwa sa ginawa ng anak nang ipapanood ng aktres ang trailer ng movie. Kung puwede lang siguro, ipinaalis nito ang eksena na for sure, hindi  papayagan ni Direk Joel Lamangan.

“Ayaw nila, pero ako masaya sa ginawa ko, bahala sila. Gusto ko lang naman ipakita ang different side ko at kung ano pa ang kaya kong gawin. Sana maging daan ang Kamkam para magbukas ang iba pang opportunities sa akin dahil marami pa akong gustong ma-achieve,” wika ni Jackie.

Kaya lang, ang ama at BF yata ang susundin ni Jackie dahil sa premiere night ng Kamkam, nabanggit na first and last love scene na niya ang ginawa sa Heaven’s Best Productions at GMA Films mo­vie. Masuwerte kung ganu’n sina Allen at Kerbie Zamora dahil sila ang naka-love scene ni Jackie.

Janelle sinuwerte sa Be Careful...

Malaki ang nagawa ng Be Careful with My Heart kay Janelle Salvador, nakilala siya dahil sa soap, kinuhang endorser and in fact, last Sunday, may TVC shoot siya for a new endorsement. Ang tsika, nag-double level up ang talent fee nito from her first endorsement.

Two days ago, pumirma si Janella ng multi-pic­ture contract sa Star Cinema and this week, naka-schedule pumirma ng mul­ti-picture contract din sa Regal En­ter­tainment.

Parehong non-exclusive con­­tract ang pinirmahan nito, kaya libre siyang ma­ka­ga­wa ng pelikula sa dalawang film companies.  

Kaya bawal ma-sugar overload, David Remo sobrang likot at kulit!

 ‘Katuwa ang kuwento ni director Maryo J. delos Reyes sa child star na si David Remo, gumaganap na ka-tukayo ni Miguel Tanfelix sa Niño. Sobrang li­kot daw ng bagets at minsan, hindi nadi­dinig ang instructions niya, kaya hindi nasusunod at kanyang na­pagagalitan.

Nagso-sorry naman si David at kahit alam ni direk Maryo na inutusan lang ito ng amang si Don Remo na mag-sorry, natutuwa pa rin siya. Lovable si David, sobrang hyper nga lang at natatandaan namin sa unang soap nitong Binoy Henyo, bawal siyang mag-sugar overload para mabawasan ang pagka-hyper.

Mga bagong direktor puwede pang humabol sa Regal filmfest

Makakahabol pa ang mga gustong sumaling new directors sa Regal Film Festival dahil hanggang July 15 pa ang deadline ng submission ng storyline. Open ito sa directors na hindi pa nakakagawa ng more than three films.

Lima ang pipiliing entries at  ang limang directors ay bibigyan ng P2.5M budget para gawin ang kanilang pelikula na ang target play date ay last week ng October o first week ng November.

Ang mga pipili sa entries ay sina directors Joey Reyes, Jun Lana, Roselle Monteverde, at Manny Valera.

 

 

Show comments