MANILA, Philippines - Kaugnay ng muling pagbubukas ng mga paaralan, muling nilibot ng GMA Kapuso Foundation, ang socio-civic arm ng GMA Network, ang iba’t ibang sulok ng bansa upang mamigay ng mga backpacks na may kompletong school supplies sa pamamagitan ng Unang Hakbang Sa Kinabukasan project.
Kumpara noong nakaraang taon, mas maraming mag-aaral ang nabiyayaan ngayong 2014 na mula 75,000 ay naging 76,000. Ang pamimigay ng school supplies sa 1,747 paaralan ay ginanap buong Mayo hanggang unang linggo ng Hunyo.
“Our hope is to continuously expand the reach of the project and extend help to more underprivileged students particularly in far-flung provinces,” pahayag ni GMA Kapuso Foundation EVP and COO Mel Tiangco.
Binisita ng Foundation ang iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visaya, Mindanao at NCR.
Inilunsad noong 1997, layunin ng UHSK na isulong ang kahalagahan ng edukasyon sa pamamagitan ng pamimigay ng mga basic na gamit sa pag-aaral. Ito ay upang pababain ang drop out rate sa mga elementary students na isa ang kakulangan ng school supplies sa mga tinuturong dahilan.