Good move ng TV5 ang paglalagay kay Edu Manzano bilang co-host nina Gelli de Belen at Tintin Bersola-Babao sa Face the People.
Sure na sure ako na magiging asset si Edu ng Face the People dahil sa kanyang husay sa pagbibigay ng payo at pag-awat sa mga pasaway na guest ng talakserye ng TV5.
Inaabangan ko ang pagsisimula ng Face the People sa Lunes dahil sa TV plug pa lang, sobrang interesting ng mga case study ng programa.
Excited ako na mapanood ang guesting ng magtiya na Marlene at Maegan Aguilar na magkakampi laban sa menor de edad na dyowa ni Freddie Aguilar.
Never na nag-grant ng interbyu sa media si Marlene. Ang guesting lang sa Face the People ang kanyang tinanggap para masabi niya sa publiko ang saloobin tungkol sa away ng mag-amang Freddie at Maegan.
Pamilya Gutierrez sikat na sikat na sa Malaysia
Bukas naman ang pilot telecast sa TV5 ng reality show ng pamilya Gutierrez, ang It Takes Gutz to be a Gutierrez.
Excited na ang Gutierrez family sa pagsisimula ng kanilang reality show sa TV5 dahil lalong lalawak ang audience nila.
Tuwang-tuwa rin sila dahil inilagay ng TV5 sa magandag timeslot ang It Takes Gutz to be a Gutierrez na mapapanood pagkatapos ng PBA.
Walang kontrol ang mga Gutierrez sa mga eksena na pinili ng E! para ipalabas sa It Takes Gutz to be a Gutierrez.
Nalalaman nila ang content ng show kapag umeere na ito sa E! tuwing Linggo.
Humarap kahapon sa entertainment press ang Gutierrez family dahil sa announcement nila na mapapanood na ang kanilang reality show sa TV5. Ipinaalaala rin nila ang season finale ng It Takes Gutz to be a Gutierrez na ipalalabas naman sa Linggo nang gabi sa E! channel.
Maraming kuwento si Eddie Gutierrez tungkol sa Asian cruise nila ng kanyang pamilya. Memorable raw sa kanya ang breakfast in bed nila ni Annabelle Rama at ang Jacuzzi sa loob ng barko.
Weakness yata ni Eddie ang jacuzzi dahil ipinagmalaki niya na may jacuzzi rin sa five –star hotel na tinuluyan nila ni Bisaya nang magpunta sila sa Singapore para sa promo ng It Takes Gutz to be a Gutierrez.
Hindi naman matapus-tapos ang pagpapasalamat ni Bisaya sa Diyos at sa Sto. Nino.
Kahit sa panaginip, hindi raw niya inisip na magiging international star siya.
Ang bait-bait raw sa kanya ng Diyos dahil ibinigay Nito ang lahat ng dasal niya. Natupad ang prayer ni Bisaya na maging asawa si Eddie at magkaroon ng bonggang career ang kanyang mga anak.
Lalong natuwa si Annabelle nang malaman nito na siya ang pinupuri sa review ng isang Malaysian writer tungkol sa reality show ng kanyang pamilya.
Para sa Malaysian writer, si Annabelle ang buhay ng show dahil sa kanyang mga eksena na nakakaloka. Sikat na sikat sa Malaysia ang It Takes Gutz to be a Gutierrez kaya kilalang-kilala doon ang pamilya Gutierrez.