MANILA, Philippines - Ibabahagi ni Karen Davila kung paano nabago ang dating pasaway na si Lad Agustin mula nang magnegosyo sila ng kanyang ama sa My Puhunan ngayong Miyerkules (Hulyo 2).
Maagang napabilang sa fraternity si Lad at ilang beses na-kick out sa paaralan at napasali sa mga kaguluhan. Ngunit nang umuwi galing Middle East ang kanyang amang overseas Filipino worker buhat ng Gulf War, ang batang dating sakit sa ulo ng kanyang mga magulang ay nagsimulang magbago at tumulong sa pamilya.
Isang simpleng barbecue stall sa Marikina ang naging bunga ng pagnanais ni Lad na mapalapit sa kanyang ama at naging magkasama silang mamalengke, magtimpla, at magtuhog ng mga barbecue tuwing umaga.
Makalipas ang panahon, lumaki pa ang kanilang negosyo. Ngayon, bukod sa Apork-able Barbecue, mayroon na rin silang Rancho Burgers at ang pinagkakaguluhang vendo machine ng sabaw ng bulalo.
Ngayong (Hulyo 1) naman sa Mutya ng Masa, itatampok ni Doris Bigornia ang pagtulong sa ilang mga pamilya ng pasyenteng nakasama ni Rowden Go Pangcoga, ang groom sa isang viral video ng isang kasalan. Itinakda siyang ikasal sa Hulyo ng kanyang asawang si Liezl, hanggang sa ma-diagnose siya na may Stage 4 liver cancer noong Mayo. Kaya naman isinagawa agad ang kasal noong Hunyo 8 sa Philippine General Hospital. Makalipas ng sampung oras, iniwan na ni Rowden ang asawa at ang nag-iisa nilang anak. Isa sa mga makakapagpasaya sa pamilyang naiwan ni Rowden ay ang mapaginhawa ang kalagayan ng mga pasyenteng nakasama niya sa PGH.