Dinalaw ko kahapon sina Senator Bong Revilla, Jr. at Senator Jinggoy Estrada sa kulungan nila sa custodial center ng PNP sa Camp Crame.
Totoo ang tsismis, nakabantay ang mga TV reporter at TV crew sa ‘di-kalayuan sa entrance gate ng custodial center dahil inaabangan nila ang mga dumadalaw kina Bong at Papa Jinggoy.
Hindi ako nakaligtas sa TV crew dahil nilapitan nila ako at tinanong tungkol sa mga pagkain na dadalhin ko para sa mga bibisitahin ko.
Matapos ang sandali na interbyuhan portion, nag-request ang TV crew na balikan ko sila pagkatapos ng dalaw ko. Gusto nila na makibalita sa mga nangyayari sa loob at oo naman ang sagot ko.
Nasa loob pa ng kanyang kuwarto si Papa Jinggoy nang dumating ako. Mas naunang lumabas si Bong na pinuntahan ako sa visitors lounge.
Naabutan ko sa visitors lounge sina Phillip Salvador, Mandy Ochoa, at ang pastor na kasama nila.
May worship and praise pala na ginaganap sa visitors lounge tuwing Linggo at in fairness, maganda ang preaching ng pastor na kasama nina Ipe at Mandy. Sayang dahil hindi ko nakuha ang pangalan ni Pastor.
Maya-maya, magkakasunod na dumating sa visitors lounge ng custodial center sina Lani Mercado at ang kanyang mga anak, pati ang mga kapatid ni Bong.
May mga bitbit sila na pagkain para kina Bong at Papa Jinggoy.
Maayos naman ang kalagayan ng dalawa sa custodial center. Panay ang imbita nila sa akin na sabayan ko sila sa pagkain ng tanghalian pero busog pa ako dahil nag-almusal ako sa Annabel’s bago ako nagpunta sa Camp Crame.
CCTV nagkalat, Camp Crame mahigpit ang seguridad
Mahigpit ang mga pulis na nakabantay sa gate ng custodial center pero magagalang sila. Inaalalayan nila ang lahat ng mga dumadalaw.
Bawal ang magdala ng mga cell phone sa loob ng custodial center kaya iniwanan ko sa sasakyan ang mga telepono ko.
Bago makapasok sa custodial center, pinapirma kami sa logbook at hiningan ng ID. May visitors pass din na sinusulatan ng pangalan ng mga dadalaw at pangalan ng mga dadalawin. Nakasabay namin sa pagdalaw ang mga kamag-anak ni Bong mula sa ibang bansa.
May mga CCTV sa paligid ng custodial center at mga bantay sa mga watch tower kaya kitang-kita ang lahat ng kilos ng mga bisita.
Kahit sino naman kayang bumili, designer bags ni Lani hindi dapat ginagawan ng isyu
Pink bag ang dala ni Lani Mercado nang dumalaw siya kahapon sa Camp Crame.
Hindi big deal ang pagkakaroon ni Lani ng mga designer bag dahil may trabaho naman siya. Iniintriga na lamang siya ng mga tao na kaligayahan na ang manira ng kapwa.
Sa panahon ngayon, hindi na isyu ang paggamit ng mga bag na sikat ang brand. Kahit sino, can afford nang bumili ng mga designer bag. Try n’yo lang na pumunta sa Greenhills tiangge o tingnan ang mga social media account ng mga online seller na nagbebenta ng mga authentic designer bags na napakamura ng halaga, tulad ng mga itinitinda ni Aries Razal, ang OFW na based sa Middle East.
Kung sisilipin ninyo ang Instagram account ni Aries, makikita ninyo na mga mayayaman at mga celebrity ang kanyang mga kostumer.
Mga kliyente na may kakayahan na bumili ng mga mamahalin na bag at sapatos pero mas type na bilhin ang mga paninda ni Aries dahil mahigit sa 70% ang discount mula sa original price.
MTRCB ‘di iniitsapuwera ang mga taong may kapansanan
Ngayong hapon, 1:30 p.m. ang forum ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) tungkol sa mga person with disability at gaganapin ito sa Luxent Hotel.
Sasaglit ako sa forum dahil sa imbitasyon sa akin ni MTRCB Chairman Toto Villareal. Pag-uusapan sa magaganap na forum ang mga dapat isaalang-alang sa paggawa ng mga TV show at pelikula na may kinalaman sa mga tao na may kapansanan.