Nadagdagan ang bilang ng mga pasyente ni Elizabeth Oropesa mula nang ma-publish sa mga diyaryo na nakapagpapagaling siya ng mga may sakit at may kanser ang karamihan sa kanyang mga pasyente.
Hindi ako makapaniwala na doktor na si Oro ng alternative medicine. Sino ang mag-aakala na nakapagpapagaling ng mga may sakit ang aktres na seksing-seksing at pantasya noon ng mga kalalakihan?
Matagal ko nang kakilala si Oro kaya marami akong alam na kuwento tungkol sa kanya, lalo na sa love life niya.
Tinukso ko si Oro na siya ang female version ni Gabby Concepcion nang magkita kami sa presscon ng Kamkam.
Parang si Gabby si Oro na pinakakasalan ang lahat ng mga nakakarelasyon niya. Aminado naman si Oro na siya ang tipo ng babae na kakasalin at agree ako sa kanyang sinabi.
Hindi katulad si Oro ng ibang mga aktres na never na nakatanggap ng alok na kasal at kadalasan, sila ang inaayawan ng kanilang mga dyowa.
Sino ang makalilimot sa love story ni Oro at ng Chinese action superstar na si Meng Fei?
Na-in love nang todo noon si Meng Fei kay Oro kaya humantong sa kasal ang kanilang love affair.
Guwapong-guwapo noon si Meng Fei. Hinahabol siya ng mga babae pero si Oro ang kanyang pinakasalan.
‘Yun nga lang, hindi nagtagal ang relasyon nila na biniyayaan ng isang anak. Twenty three years-old na si Gabriel, ang anak ni Oro kay Meng Fei pero hindi pa yata uli sila nagkikita ng kanyang ama.
Ang kuwento ni Oro, wala nang buhok si Meng Fei dahil nagkaroon ito ng alopecia. Masyado pa naman daw vain sa katawan ang kanyang ex-dyowa.
Kung may alopecia si Meng Fei, bakit hindi niya i-try na kumunsulta at magpagamot kay Oro dahil baka ito ang makatulong sa kanyang problema. Nagpahanap ako ng picture ni Meng Fei noong bagets pa ito para makita ng young readers ng PSN ang kaguwapuhan niya.
Bukod sa pagpa-practice ng alternative medicine, licensed acupuncturist din si Oro. Natuto si Oro ng acupuncture nang mag-aral siya sa Amerika ng alternative medicine.
Sa mga type na magpatingin kay Oro, mag-set muna kayo ng appointment. Puwede kayong tumawag sa telephone numbers 385-3677 at 431-1147 para hindi masayang ang inyong oras dahil may kalayuan ang kanyang clinic sa #20 Winston Street, East Fairview.
Starring si Oro sa Kamkam bilang bungangera na nanay ni Allen Dizon.
Ang sabi ng mga nakapanood sa special screening ng Kamkam, malaki ang chance na ma-nominate si Oro sa best supporting actress category ng mga award-giving bodies sa 2015 dahil sa outstanding acting niya sa pelikula na directed by Joel Lamangan.
Walang puwedeng magsabi na bobitang umarte si Oro dahil naghakot na siya noon ng mga acting award.
Hindi lamang daw ang performance ni Oro ang mapapansin sa Kamkam dahil magagaling din ang kanyang co-stars, sina Allen, Jean Garcia, Jim Pebanco etc.
Showing sa mga sinehan sa July 9 ang Kamkam at ang GMA Films ang distributor ng pelikula.
Ang Kamkam ang second movie na ire-release ng GMA Films ngayong July. Mauuna ang Overtime na may playdate na July 2.
Mga bida sa Overtime sina Richard Gutierrez, Lauren Young at Roi Vinzon na ipinaramdam sa akin ang kanyang generosity nang magkita kami sa presscon ng kanilang pelikula.
Si Roi ang ‘youngest contract star’ ng GMA Artist Center.