Creative comm head ng Kapamilya ginawaran ng lifetime achievement award

MANILA, Philippines - Ginawaran ng prestihiyosong Lifetime Achievement Award ng Creative Guild of the Philippines ang head ng ABS-CBN Creative Communications Management na si Robert Laba­yen para sa kanyang natatanging mga likha at kontribusyon sa industriya ng Philippine advertising.

Si Labayen ang utak sa likod ng inaabangang ABS-CBN station IDs tulad  ng sikat at ‘di malilimutang 2009 Christmas station ID na Bro Ikaw ang Star ng Pasko na pumukaw ng pag-asa sa puso ng mga Pilipino matapos humagupit ang bagyong Ondoy. 

“Sa halip na ibida namin ang aming mga sarili o mga artista sa aming station IDs, mas gusto naming ibida kung sino at ang mga pangkaraniwang Pilipino.  Ito ang madalas kong sabihin sa team ko. Sinasabi ko sa kanila na ang trabaho namin ay hindi pampapogi lang. Ang trabaho namin ay dapat makaantig ng buhay at makapagdala ng pag-asa sa kanila,” paliwanag ni Labayen.

Isa pang kilalang likha ni Labayen ay ang theme song ng Choose Philippines na Piliin Mo ang Pilipinas na inawit ni Angeline Quinto. Hindi lamang nito sinulong ang turismo sa bansa, kung hindi’y tinaas din nito ang moral ng mga Pilipino.

Simula nang naging bahagi si Labayen ng ABS-CBN noong 2004, nanguna na ang network sa paggawa ng nakakaantig at makabuluhang station IDs at iba pang video contents na talaga namang nakaka-inspire sa bawat Pilipino.

Dalawampu’t dalawang taong nanilbihan sa mundo ng advertising si Labayen. Mula sa pagiging isang simpleng copywriter, nagsipag siya hanggang sa matalaga siya bilang Vice-President at Creative Director ng Ace Saatchi and Saatchi na sinundan pa ng pagiging Executive Creative Director ng J Walter Thompson. Nakibahagi siya sa mga matagumpay na patalastas tulad ng Kung Hindi Ka na Bagito  para sa isang sikat na beer,  I Love You Sabado para sa isang fastfood chain, at ang the Donut bai’ ad na ginamit na tema ng ika-16 na Philippine Adverti­sing Congress.

Naniniwala ang 53 taong gulang na advertising bigwig at ngayo’t creative legend na ang kanyang mapagpakumbabang pakikitungo sa mga katrabaho ay isa sa mga nakatulong para pagkalooban siya ng parangal tulad ng Lifetime Achievement award.

“Pag nagtanim ka talaga, tiyak may aanihin ka. Ang ilan sa mga taong nagbigay sa akin ng award na ito ay mga taong nakatrabaho ko noong sila ay mga bata pa at nagsisimula pa lang ng kani-kanilang mga karera sa advertising,” sabi ni Labayen.

Tinanggap ni Labayen ang Lifetime Achievement award mula sa Creative Guild of the Philippines sa ginanap na 2014 Ad Summit sa Subic.

 

Show comments