Attention hunk actor ‘Hoooooyyyy!!!! May bading sa pamilya n’yo, ‘no! Tantanan mo nga kami!’

Napakaganda ng gising namin nang umagang ‘yun. Mahalumigmig ang panahon, nagsisimula na nga ang tag-ulan, mamamaalam na nga tayo sa matinding alinsangan.

Umuwi kami nu’n sa aming kinalakihang nayon sa Nueva Ecija, ang typing room namin na karugtong ng aming kuwarto ay ilang dipa lang ang layo mula sa mismong kalsada, nang umagang ‘yun ay masaya pa naming pinagmamasdan ang mga magsasakang sakay ng kanilang mga kalabaw para lumusong na sa bukid.

Napakaganda talaga ng umagang ‘yun, pero biglang sumama ang aming timpla, biglang umasim ang aming sikmura na parang gusto naming maduwal na ewan.

Nagbasa kasi kami ng mga d’yaryo na ipinabili pa namin nang madaling-araw na ‘yun sa bayan. Pagbukas namin sa isang pahayagang pinagsusulatan din namin ay merong naka-headline—“Walang bakla sa pamilya namin!”

Ang nagsasalita ay isang guwapong hunk actor na ang itsura ay isang dangkal lang ang layo sa kanyang tiyuhing ‘di hamak na mas naunang nag-artista kesa sa kanya.

Umandar ang aming thought balloon, “Napakalakas ng loob ng batang ito para sabihin ang ganu’n katinding opisyal na pahayag. Hindi kaya niya naaa­moy ang isang kapamilya niya?

 â€œHindi rin kaya niya naririnig ang mga kuwento-kuwento tungkol sa kanyang amain na matagal nang pinagdududahan ang kasarian? Madiin ang sinabi niya, wala raw bakla sa pamilya nila. Ganu’n?” sabi ng aming naguguluhang utak.

Pero bumawi ang aming thought balloon, sige na nga, ipauubaya na namin sa hunk actor ang kanyang paniniwala. Siyempre naman ay hindi aamin ang kanyang tiyuhin sa mga milagrong pinaggagagawa nito na palaging dahilan ng mga kuwentong kabadingan tungkol sa kanya.

Pero hindi makapagkakaila ang aming tiyan, nagmamaasim pa rin ang a­ming sikmura, parang naaadwa pa rin kami na ewan na parang gusto naming tumakbo sa CR.

Ayaw pa ring manahimik ng aming thought balloon, sumagot pa rin siya sa guwapong hunk actor—“Hoooooyyyy!!!! May bading sa pamilya n’yo, ‘no! Tantanan mo nga kami!”

Ubos!

Lucy Torres malakas ang sense of humor!

Ang palaging komento ng aming mga kaibigan ay parang napaka-fragile ni Congresswoman Lucy Torres-Gomez. Komento pa ng isang kaibigan namin, “Kagatin lang siguro siya ng lamok, e, magkakasugat na siya. Para kasing napakanipis ng balat niya!”

Sa malapitan ay tunay namang napakaporselana ng kutis ng misis ni Richard Gomez. Wala siyang kapekas-pekas, napakakinis ng kanyang balat, isang simpleng hampas lang sa kanyang braso ay nagmamarka na ‘yun agad.

Lumaki siya sa probinsiya, pinaglalaro raw naman siya ng kanyang mga magulang nu’ng bata pa siya, alam niya ang patintero, tumbang preso at iba pang mga larong kalsada.

“Pero kapag lumalabas ako ng bahay para maglaro, kailangang nakapantalon ako. Protection ba kapag nadapa ako? Palagi akong naka-maong, hindi ako nagsusuot ng shorts ‘pag lumalabas ako ng bahay,” kuwento ng magandang TV host-pulitiko tungkol sa sikreto ng kanyang makinis na balat.

Malakas ang sense of humor ni Congresswoman Lucy, titingnan mo siyang parang ang hinhin-hinhin at hindi makabasag-pinggan, pero kapag umaatake na ang kanyang kalokahan ay parang ang layo-layo nu’n sa kanyang imahe.

Palagi na lang namin siyang pinanonood ngayon sa kanyang dance show sa TV5, ang Celebrity Dance Battle, at kung husay sa pagsasayaw ang pag-uusapan ay katangi-tangi ang kongresista ng kanyang distrito sa Ormoc.

Ihinihilera namin siya kina Governor Vilma Santos, Alma Moreno, Amanda Page at Maja Salvador sa mapuso niyang paggalaw at projection.

 

Show comments