Maja ayaw mag lip sync

Walang atubili si Maja Salvador na i-claim ang malabis na pagnanais niyang maging isang Total Per­former. Kaya naman niya. May talento siya sa pagsasayaw na kinumbinasyunan niya ng isang ma­­gandang boses na hinasa at sinanay ng isang ma­galing na guro, si Teacher Annie kung tawagin niya na kilala ng lahat bilang si Annie Quintos, isa sa mga miyembro ng matagal na rin at napakahusay na grupong The Company. May ilang probinsiya na rin ang napupuntahan ni Maja bilang selebrasyon ng kanyang ika-10 taong anibersaryo bilang artista.

Hindi pa nagtatagal na nai-release ang kanyang debut album na Believe, pero nabigyan na ito ng Gold Record Award. Ang carrier single nitong Dahan Dahan ang gumawa ng landas para makilala din siyang isang singer. Isa sa mga nakakasama niya sa kanyang anniversary tour ay sumusumpa na live ang performances ni Maja. Ayaw nitong mag-lip sync para mas matanggap siya sa kanyang bagong mundo.

 â€œHindi ko sinasabing magaling na akong kumanta. Hanggang ngayon ay nagbo-voice lesson pa rin ako kay Teacher Annie. Pero lahat nang kinakanta ko ay ibinabagay ko sa boses ko. Hindi ako nagta-try hard na bumirit ng mga kanta na ikapapahamak ko. Pero once or twice nagta-try ako. Hindi pa naman ako napapahiya,” pagmamalaki ng aktres na mas gumaling pa sa pag-arte sa The Legal Wife nang mag-risk na gumanap ng role ng the other woman, mistress at kabit na bagaman at dinuduraan sa ating lipunan ay nagtaas ng kanyang antas bilang artista.

“Mature na at matatalino ang ating manonood. Kahit galit sila sa character ko, appreciated naman nila ang effort ko na mapaganda ang pagganap ko. Malaki rin ang pasasalamat ko sa The Legal Wife dahil it opened doors for me. Hindi lamang kinilala ang acting ko, nagkaro’n pa rin ako ng maraming projects because of it, and endorsements too, tulad ng Robinson’s Land Corp. Sa susunod na series na gagawin ko, hindi na ako kabit, maganda na ang role ko,” pagmamalaki niya.

Marami ang nagtatanong kung bakit sa Music Museum lamang at hindi sa isa napakalaking venue tulad ng Araneta Coliseum siya magku-concert. Kaya naman daw niyang punuin ang Araneta Coliseum, lalo’t susuportahan naman siya ng mga kapwa niya Star Magic artists tulad nila Piolo Pascual, Enchong Dee, Rayver Cruz, at Enrique Gil.

“Hindi po ako ang nagpapasya nito. Pero tulad ng kanta ko, gusto ko rin na maging dahan dahan ang gagawin kong pag-angat bilang singer,” sabi ni Maja na nangako na sa concert ay magpapaka-sexy siya, magpapakita ng konting skin at sasayaw nang husto. Sayang nga naman ang titulo ng concert niyang The Legal Performer kung magiging kapareho lang ito ng mga konsyerto na ginagawa ng mga katulad niyang artista.

Inaasahan din ng manonood na makikitang na­no­nood sa audience ang boyfriend niyang si Gerald Anderson. “Andun siya kung wala siyang taping. Araw-araw na kasi ang taping niya ng Dyesebel,” pag­tatanggol ni Maja sa boyfriend niya na kung maari ay gusto niyang ihiwalay sa pagiging artista niya. “Baka po puwedeng sa aming dalawa na lang ‘yon. Please,” dagdag pakiusap niya.

Ang Maj: The Legal Performer ay mapapano­od sa July 12, 8 ng gabi. Prodyus ito ng Hills and Dreams Events Concept Co. sa direkson ni Johnny Manahan. Si Marvi Querido ang musical director.

Show comments