Angeli Bayani: Best actress award panalo ng indie at teatro

MANILA, Philippines - Naniniwala si Angeli Bayani na ang pagkapanalo niya bilang best actress sa 37th Gawad Urian noong Martes ng gabi ay magsisilbing inspirasyon sa mga kapwa niya taga-teatro at sa indie film industry.

"I’m sure it may have [impact] on fellow actresses from the theatre realm, and also sa independent film industry because kaya rin siguro ako nagkakaganito kasi this is a Lav Diaz film. I mean, it’s recognized internationally, dito hindi masyado, e," pahayag ni Angeli sa panayam sa entertainment media pagkatapos tanggapin ang best actress award.

"Parang selected few lang ang nakakaalam or nakaka-appreciate ng mga gawa niya. Kaya nang manomina ako para dito sapat na sa akin ‘yon, e. Nalagay kami sa mapa ng mainstream, sabihin na natin parang gano'n," dagdag ng aktres.

Naniniwala si Angeli na dahil sa pagkakapanalo niya dahil sa pelikulang Norte, Hanggangan ng Kasaysayan" pelikula ay mas marami nang tao ang maghahanap ng mga pelikulang gawa ni Lav Diaz, isa sa mga premyadong direktor ng indie films sa bansa.

Samantala, hindi pa rin makapaniwala si Angeli na nakuha niya ang best actress award.

Malalaking pangalan sa industriya ng pelikula ang pinataob ni Angeli sa award kabilang sina Nora Aunor, Vilma Santos, Rustica Carpio, Cherie Gil, Agot Isidro, at Eugene Domingo.

"Sa totoo lang, to be nominated is an honor itself kasi...feeling ko lalagnatin ako!" ani Angeli.

Aniya, halos maloka siya dahil para sa kanya ay ang mapasama lamang sa listahan ng mga nominado ay napakalaki nang pagkilala sa kanyang kakayahan.

"So hindi ko siya in-expect, Nora, Vilma, Cherie Gil, Rustica Carpio for heaven’s sake— hindi mo inaasahan, e!" excited na pahayag ng aktres.

Naniniwala naman ang aktres na nakuha niya ang best actress award dahil na rin sa malalim na laman ng pelikula ni Lav Diaz.

"Siguro dahil na rin sa content mismo ng pelikula na ‘yon nga, ‘yong sinasabi niya na statement tungkol sa lipunan natin," aniya.

Show comments