Chef Boy Logro itinatampok sa Magpakailanman

MANILA, Philippines - Ngayong Sabado (Hunyo 21), ikukuwento ng Basta Every Day Happy host na si Chef Boy Logro ang kanyang naging daan patungo sa tagumpay sa isang special post-Fathers’ Day celebration ng Magpakailanman na pinamagatang, Kusina Master, Da Best Father.

 Marami nang nakakaalam ng kuwento ni Chef Boy -  ang kanyang pag-angat sa ranggo ng mga chefs kahit na Elementary lamang ang inabot niyang pag-aaral. Dahil sa pagsusumikap, nagawa ni Chef Boy na umakyat sa mga baitang ng tagumpay hanggang siya ay naging isang celebrity chef na hindi lamang tinitingala sa Philippine TV, kundi maging sa mundo ring ginagalawan ng mga chefs na katulad niya.

 Pero hindi lamang ito isang kuwento ng tagumpay. Dahil sa likod ng bawat naipapanalong laban ni Chef Boy ay may naging katumbas ring kabiguan.

Atom lulusong sa rumaragasang ilog

Panahon na naman ng tag-ulan kaya inaasahan na naman ang pagdating ng mga bagyo at matinding baha. Sa mga sakunang pinagdaanan ng bansa sa nagdaang mga taon, masasabi mo bang handa ka na anumang oras manalasa ang malakas na bugso ng ulan?

Kung hindi pa, si Atom Araullo na ang bahala sa iyo ngayong Biyernes (June 20) dahil ipapakita niya ang ilang rescue at evacuation tips sa gitna ng matin­ding pagbaha sa Red Alert.

Sa pamamagitan ng isang simulation, susubukan mismo ng tinaguriang ‘guy in the rain’ na tumawid ng isang ilog gamit lang ang lubid habang rumaragasa ang tubig na dumadaloy dito. Kayanin kaya niya labanan ang malakas na agos o tuluyan siyang matangay dito?

Samantala, ibabahagi rin sa episode ang kwento ng kabayanihan ng isang binata na dahil sa kagustuhang tumulong at isalba ang mga kapitbahay ay siya mismo ang binawian ng buhay noong kasagsagan ng bagyong Ondoy.

Show comments