MANILA, Philippines - Isa si Glydel Mercado sa mga batikang aktres na kayang gawin ang kahit anong role. Pero magagawa rin ba niya ang kahit ano sa kanyang katawan kung ito ang hinihingi ng role sa kanya?
Matapos ng kanyang nakawi-windang na performance sa Rhodora X, at ang kanyang madamdaming pagganap sa My Husband’s Lover, ibang challenge naman ang haharapin ni Glydel Mercado sa Magpakailanman.
Ngayong Sabado, gagampanan ni Glydel Mercado ang papel ng isang retokadang ina—si Michelle Villamor.
Dahil sa kagustuhang mailayo ang kanyang mga anak sa mapang-abusong asawa, pinasok ni Michelle ang isang trabaho na may kakaibang epekto sa kanyang mukha.
Gaya ng mga artista, ganda ang puhunan ni Michelle sa buhay, kaya nang alukin siyang maging human ad para sa isang cosmetic surgeon, hindi na niya pinag-isipan ang maaaring side effects ng kanyang papasuking trabaho. Ang importante sa kanya ay mabawi ang kanyang buhay…ang kanyang anak.
Ngunit ang mag-aayos sana sa kanyang buhay, ay siya ring magdadala ng mga bagong problema dito.
Paano aayusin ni Michelle ang kanyang buhay? Maaayos pa ba niya ito?
Itinatampok din sina Joyce Ching, Ken Chan, Yayo Aguila, at si Krystal Reyes sa isang natataÂnging pagganap.
Mula sa direksyon ni Neal del Rosario, sa panulat ni Glaiza Ramirez at sa pananaliksik ni Cynthia delos Santos, alamin ang kuwento ni Michelle Villamor ngayong Sabado ng gabi sa Magpakailanman pagkatapos ng GMA Blockbusters sa GMA7.