Rocco natutunaw na parang yelo ‘pag tinitingnan ni Ate Guy

Kailangan pang kunin ng ilang ulit ni Nora Aunor ang pansin ni Rocco Nacino para lamang ito makapag-react kapag may ginagawa silang eksena na magkasama sa pelikulang Hustisya. Madalas kasi ay natatameme ang itinutu­ring na magaling umarte na Kapuso actor kapag kaharap ang Superstar.

“Akala ko nga sabi-sabi lang ‘yung nakaka-overwhelm ‘yung presence niya, lalo na sa mga nakababata at baguhan na katulad ko. Pero totoo pala, hindi ako maka-react, parang tumitiklop ako at hindi makapagsa­lita kapag magka-eksena na kami. Kinakailangan pa niya to come to my rescue and assure me na, kahit be­terana na siya ay kinakabahan din siya, pero ayaw lang niyang magpahalata. Nahihimasmasan naman ako at sinusunod ang payo niya na makakayanan ko ang gagawin namin. At nangyayari naman,” kuwento ng aktor na talagang ipinagmamalaki na makasama sa isang project ang aktres na napatunayan niyang sa mata pa lamang ay nakaka-intimidate na. “Matingnan lang niya ako, para akong yelo na natutunaw. Pero hindi siya madamot. Ang galing niyang umalalay. Wala kang magagawa kundi tapatan ang galing niya dahil kung hindi talagang mapag-iiwanan ka niya. Ito ang ayaw niyang mangyari, ang maiwan niya ako kaya dinadala niya ako, binibigyan ng motivation,” pag-amin ng aktor.

 

Mga bida sa Priscilla nakakabilib ang galing

Isang napakagandang palabas ang naging mahalagang bahagi ng isang hapon ng Linggo ko na palagi ay ibinubuhos ko sa panonood ng sine.

Nagkaroon ako ng isang imbitasyon mula sa kasamahan ko sa PMPC na si Mel Navarro na panoorin ang Priscilla, Queen of the Desert. Nag-iimbita raw ang Marketing Director ng Resorts World na si Ms. Kathy Mercado. Agad umoo ako dahil napanood ko na ito sa movie many years ago. Pinanood ko ito dahil tampok ang hinahangaan ko nun na si Patrick Swayze kasama sina Wesley Snipes at John Leguizamo. Sa tagal, hindi ko na matandaan kung anong role ang ginampanan ng tatlong aktor. Pero ang bersyon nina Leo Valdez, Jon Santos at Red Concepcion ay kahanga-hanga dahil talagang napakagaga­ling nila. Sumakit nga ang kamay ko sa kapapalakpak. At parang isang concert ‘yun ni Gary V dahil tumayo ako at sumayaw sa isang eksena patungo na sa finale. Ang galing ng isang Jaime del Mundo, dahil nagawa niyang magdirek ng isang nakaaaliw na musical na karamihan sa mga kanta ay alam ko at kaya kong kantahin nang buo. Pero ang pinakabuod ng istorya ay bagay na bagay sa kantang I Will Survive dahil ang tatlong character na beki ay nagkaroon ng masayang en­ding at naga­wang tanggapin kung ano sila at kung ano ang itinakda ng kapalaran para sa kanila.

Ang galing ng tatlong artista na gumanap ng tatlong major roles. Hindi bale na sina Jon Santos at Leo Valdez dahil kilala na sila at alam na ng calibre nila pero si Red Concepcion ay ngayon ko lang napanood, pero magaling siya.

Kapatid daw siya ni Sam Concepcion na sa tea­tro rin nagsimula. Hindi na siya pahuhuli sa kagali­ngan ng kanyang kapatid na nasa TV na rin ngayon. Hanggang sa July na lamang ang Priscilla Queen of the Desert sa Resorts World Manila Performing Arts Theater kaya kung may pagkakataon kayo, pa­noorin n’yo at makararamdam kayo ng pride, na kaya na ng mga Pinoy ang ganitong panoorin na ka­ra­mihan ay napapanood lamang sa Broadway o Las Vegas  sa Amerika.

 

Mga bida sa FAULT OF OUR STARS parang totoong may kanser

Parang ang iyak ko sa Priscilla Queen of the De­sert ay itinuluy-tuloy ko na sa pelikulang Fault in our Stars na naengganyo lang akong panoorin da­hil nabanggit ito ng pari sa kanyang sermon sa misa na dinaluhan ko sa SM Megamall nung Linggo rin. Na-curious lang akong malaman kung ano ang ka­sasapitan ng pagmamahalan ng dalawang kaba­taan na parehong may sakit na cancer. Nagulat daw ang pari dahil habang nakapila sila ng kanyang pa­­milya para manood  ay may mga lumalabas ng sine­han na nagpupunas ng luha. May isa pa nga raw la­laki na napakalaki ng katawan, pero ganito rin ang ginagawa.

Show comments