Team Kramer parating nakababad sa kanilang pinangarap na bahay

MANILA, Philippines - Isang dream house na hindi mo na gugustuhing lumabas dahil lahat ng kailangan mo nasa loob na ng iyong sariling bakod – ito ang nasa isip ng aktres na si Cheska Garcia at PBA player na si Doug Kramer nang itinayo ang kanilang bahay. Ngayong Miyerkules ng hapon, bubuksan ng pinakasikat na pamilya ngayon sa social media sa Pilipinas ang kanilang tahanan sa Powerhouse.

Higit sa isang milyon ang fans nila sa kanilang Facebook account, kaliwa’t kanan din ang kanilang guestings at endorsements. Ganito kasikat ang mag-asawang Cheska at Doug Kra­mer kasama ang kanilang tatlong anak na sina Kendra, Scarlet at Gavin, na mas kilala bilang Team Kramer.

Sa kanilang tatlong palapag na bahay, lahat daw ay paborito nila pero ang pinaka-pinagkagastusan nila ay ang kanilang home cinema na umaabot daw ng milyon ang halaga. Ipasisilip din nina Doug at Cheska ang kanilang walk-in clo­set kung saan halos 90 percent daw ng laman nito ay damit, sapatos, bags at accessories ni Cheska.

Hindi rin magpapahuli ang kanilang mga chikiting dahil may kanya- kanya rin silang closet. Sa katunayan, ang apat na taong gulang at dalawang taong gulang na sina Kendra at Scarlet ang mismong magbibigay ng tour sa kanilang kwarto. Kamakailan lamang ay ni-renovate ito at ginawang Frozen ang tema kung saan bida sa kanilang silid ang Disney characters na sina Elsa at Anna.

Sa kusina naman ng Team Kramer, matatagpuan ang isang cabinet na puno ng junk food. Isang wine cabinet din ang makikita dito dahil mahilig daw kasing mag-date sina Doug at Cheska at masaya na sila kahit sa lanai lamang ng kanilang bahay sila mag-bonding. Isang child-friendly swimming pool din ang pinagawa ng mag-asawa para sa kanilang mga anak. Talagang kumpleto ang kanilang bahay at bihira na raw silang lumabas, mas tipid pa.

Marami ang napabilib sa team work ng Team Kramer kaya naman marami ang sumusuporta sa kanila. Sa katunayan, nanguna sila sa isang petis­yon para makapagtayo ng mobile hospital sa mga probinsya na nasalanta ng Bagyong Yolanda. Uma­bot sa 15,000 ang pledge sa petisyon na ito.

Sa kabila ng kasikatan ng kanilang pamilya ay na­sakripisyo naman daw ang kanilang pribadong buhay. Paano nga ba hinaharap ng Team Kramer ang mga negatibong puna at opinyon ng kanilang pagsikat?

Samahan si Kara David na makipagkwentuhan sa masayang pamilya ng Team Kramer sa Power­house ngayong Miyerkules, Hunyo 4, alas- 4 ng hapon, sa GMA 7.

Show comments