MANILA, Philippines - Wagi ang ABS-CBN ng Grand Stevie Award sa prestihiyosong Asia-Pacific Stevie Awards bilang ang tanging kumpanya mula sa Pilipinas na nakuha ang pinakamataas na parangal sa rehiyon na iginawad sa gala awards banquet nito kamakailan sa Seoul, South Korea.
Ipinagkaloob ito sa mga kumpanyang may pinakamataas na nakuhang puntos mula sa limang bansang nagpadala ng pinakamaraming entries ngayong taon. Ang iba pang Grand Stevie Award winners ay nagmula sa Australia, Indonesia, South Korea, at Singapore.
Basehan ng parangal sa ABS-CBN ay ang maaga nilang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga biktima ng bagyong Yolanda. Inilunsad ng ABS-CBN ang Tulong na, Tabang na, Tayo na campaign na naglikom ng pondo sa pamamagitan ng Tulong shirts at ang star-studded na Tulong fund-raising concerts. Nagsagawa rin ang Kapamilya network ng relief at rehabilitation para sa mga nasalanta ng bagyong Pablo, krisis sa Zamboanga, at lindol sa Bohol.
Sa nasabing gabi ng parangal, personal na tinanggap ni Ms. Charo Santos-Concio ang Gold Stevie Awards ng ABS-CBN para sa Services Company of the Year category para sa Pilipinas at sa Woman of the Year category naman para sa lahat ng bansa sa Asia-Pacific region (maliban sa Australia at South Korea).
“Ikinagagalak kong maging kinatawan ng lahat nang masisigasig na kababaihan sa Pilipinas at maging isa sa pinarangalang women leaders at awardees ng Asia-Pacific Stevie Awards. Araw-araw akong nagpapasalamat sa pagkakataong pamunuan ang ABS-CBN at paglingkuran ang mga Pilipino,†aniya.
Kinilala naman si Santos-Concio sa kanyang pamumuno sa ABS-CBN, dahilan sa patuloy nitong pamamayagpag sa TV ratings at ang pagpalo sa takilya ng mga pelikula ng Star CineÂma, pagtaas ng kita ng kumpanya, at pagsabak nito sa ibang negosyo gaya ng ABS-CBNmobile, ang theme park na Kidzania Manila, at TV home shopping channel na O Shopping, at ang patuloy nitong pagbibigay ng serbisyo-publiko.