Mareng Winnie uungkatin ang iskandalo ngayon sa MRT 3

MANILA, Philippines - Napaluha sa sama ng loob ang nagbitiw na hepe ng Metro Rail Transit 3 (MRT3) na si Atty. Al Vitangcol III nang isalaysay kung paano siya naalis sa puwesto nitong Lunes.

Ayon sa kanya, nagsimula ang lahat noong Lunes dahil sa isang column na hindi naging patas sa kanya. Ang ugat nito ay ang pagkakaroon daw niya ng kamag-anak sa isang may kontrata sa loob ng MRT 3.

May ilang kausap daw siya mula sa gobyerno na nagmungkahi na magbitiw siya sa tungkulin nang tahimik. Pero ‘di pa aniya tapos ang Lunes, nalaman na lamang niya na wala na siya sa puwesto.

“I felt betrayed and disappointed,” sabi ni Vitangcol. Pumasok daw siya sa gobyerno sa pagnanais na magsilbi at maunawaan kung paano magtrabaho sa gobyerno. Napasok lang daw siya sa gobyerno dahil sa rekomendasyon ng isang propesor niya kay noon ay DOTC secretary Mar Ro­xas. Wala siyang patron o taga-suporta gaya ng kadalasang nangyayari. At isa lang daw ang empleyadong kanyang ipinasok sa MRT3, ang kanyang executive assistant.

“Wala akong ninakaw na pera, at marami akong natipid para sa gobyerno.” Ayon kay Vitangcol, kabilang na rito ang perang matitipid sa pagbili ng bagong tren para sa MRT3 na dati ay $3 million kada unit at naibaba niya sa halagang $1.8 million lang. Napakabitan din ng CCTV ang MRT3 sa halagang wala pang P5 million gayong sa ibang ahensiya, ito ay umaabot ng P50 million.    

Wala rin daw siyang luho sa opisina. Katunayan daw ay siya ang nagbabayad ng taunang rehistro at insurance ng kotseng nakatoka sa kanya dahil walang budget para rito ang MRT3.

Sa kabila ng sama ng loob, naniniwala si Vitangcol na dapat pumasok sa gobyerno ang mga taong nais magkaroon ng pagbabago sa serbisyo publiko.

Alamin ang mga detalye ng pagkakaalis sa MRT 3 ni Atty. Vitangcol sa panayam ni Prof. Solita Monsod sa Bawal ang Pasaway kay Mareng Winnie ngayong Lunes, 10:15 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.

Show comments