Pabrika ng bata ibubunyag ang kuwento

MANILA, Philippines -  May katotohanan ba ang kasabihang “the more, the merrier?”

Paano kung ang tinutukoy na ‘more’ ay ang mga anak mo? O mga kapatid mo? Ngayong Sabado, alamin ang kuwento nina Agnes at Julian—ang mag-asawang kinikilalang pabrika ng bata dahil sa kanilang 15 na mga anak.

Simula’t sapul, hindi na gusto ng mga magulang ni Agnes si Julian para sa kanilang anak. Pero dahil hindi gusto ni Agnes ang lalaking gustong ipakasal sa kanya, mas pinili niyang makipagtanan kasama ni Julian. Mahirap ang buhay, pero dahil nagmamahalan sila ay tinanggap ito ni Agnes. Ang hindi niya alam ay simula pa lang ang kanilang kalbaryo sa buhay. Na lalala pa ang lahat sa kanyang taunang pagbubuntis.

 Dahil maayos ang pagsasama nina Agnes at Julian, hindi sila nagkaroon ng problema sa kanilang pagsasama kahit na balde-baldeng problema ang kaila­ngan nilang harapin.

Magkasama naman sila. ‘Yun nga lang, sa kanilang patuloy na pag-aanak, ang mga anak nila ang naging problemado.

Paano nga ba haharapin ng mga musmos ang problema ng mga magulang na dapat sila ang umiintindi?  Paano nila haharapin ang mga pangungutya ng mga taong hindi maintindihan ang laki ng kanilang pamilya? Paano nila masosolusyunan ang kanilang mga problema na sumasabay sa paglaki ng kanilang pamilya?

Itinatampok sina Jean Garcia at Christopher de Leon bilang Agnes at Julian. Kasama rin sina Rodjun Cruz, Michelle Madrigal, Rainier Castillo, Diva Montelaba, Denise Barbacena, Rhen Escano, Vince Magbanua, JM Reyes, Denzel Santiago, at Nomer Limatog.

Mula sa direksyon ni Argel Joseph, sa panulat ni Agnes Uligan at sa pananaliksik ni Karen Lustica at Stanley Pabilona, alamin ang kwento nina Julian at Agnes sa episode ng Magpakailanman na pinamagatang Pabrika ng Bata, ngayong Sabado pagkatapos ng Vampire ang Daddy Ko sa GMA7.

 

Show comments