Beyonce na-cremate na, abo alagang-alaga ni Derek

Naka-relate ako sa sadness ni Derek Ramsay nang mamatay ang kanyang pet dog na si Beyonce.

Nakalulungkot naman talaga ang mawalan ng alaga na aso dahil parang miyembro rin ito ng pa­milya.

Kapag namamatayan ako ng pet dogs, nakararamdam din ako ng depression. Nami-miss ko sila dahil sa totoo lang, mas loyal pa ang mga aso kesa tao.

I should know dahil sa rami ng mga karanasan ko, napatunayan ko na ibang magmahal ang mga aso sa kanilang mga amo.

Ipina-cremate ni Derek si Beyonce at malamang na nasa bahay lamang niya ang abo ng kanyang pumanaw na pet dog.

Walang ipinagkaiba si Derek kay Nanette Medved na iniyakan ang pagkamatay ng kanyang pet dog na si Bono. Imbes na ipalibing, ipina-cremate ni Nanette ang labi ni Bono at inilagay sa kanyang library ang urn na naglalaman sa abo ng aso na ipinaampon niya noon sa akin.

Matagal na nag-aral si Nanette sa Boston. Sa akin niya ipinagkatiwala si Bono at nang bumalik si Nanette sa Pilipinas, ang pagsundo kay Bono mula sa bahay ko ang kanyang unang ginawa. Mangiyak-ngiyak ako nang magkita sina Nanette at Bono dahil tahol ito nang tahol at tuwang-tuwa nang makita ang kanyang amo. Kahit matagal sila na hindi nagkita, never na nalimutan ni Bono si Nanette. Ganyan katindi ang loyalty ng mga aso sa kanilang mga amo.

Aktor masahol pa sa fan ang drama

Fan na fan ang isang aktor nang dumalo ito sa isang awards night dahil panay ang pa-picture niya sa ibang mga artista at super-selfie siya.

Sa totoo lang, marami ang natsipan sa ginawa ng aktor na masahol pa sa isang fan ang drama. Pati ang mga kapwa artista, nagulat sa inasal ng aktor na parang hindi na-experience na maging sikat noong namamayagpag ang kanyang career.

Pamilya Gutierrez VIP na VIP sa Singapore

Napanood ko ang interview kina Raymond at Ruffa Gutierrez sa isang TV show sa Singapore, ang First Look Asia ng Channel News Asia.

Hindi talaga nakakahiya na isabak ang magkapatid sa mga international  talk show dahil kayang-kaya nila na sagutin ang lahat ng mga tanong. Hindi rin sila kinabahan.

Nag-guest sina Ruffa at Raymond sa  First Look Asia dahil nag-promote sila ng kanilang reality show, ang It Takes Gutz to be a Gutierrez na mapapanood sa E! simula sa June 1.

Nagpapasalamat ang Gutierrez fa­mily sa warm reception at VIP treatment sa kanila ng E! staff nang pumunta sila sa Singapore para sa presscon at promo ng It Takes Gutz to be a Gutierrez!

Buhay ni Bianca masyadong madrama

Pumunta kahapon sa Parañaque City ang Startalk crew dahil ininterbyu nila ang lola ni Bianca Umali, ang young actress na cast member ng Niño, ang drama series ng GMA 7 na magsisimula bukas.

Ulila na si Bianca sa mga magulang at ang lola niya ang nagpalaki sa kanya. Mahal na mahal ni Bianca ang kanyang lola na kasama niya sa lahat ng tapings at showbiz events na pinupuntahan niya.

Madrama ang buhay ni Bianca kaya hinuhulaan na magiging effective actress siya dahil sa dami ng mga karanasan sa buhay na paghuhugutan niya ng emosyon.

Si Bianca ang kapareha ni Miguel Tanfelix sa Niño. Ang loveteam nina Bianca at Miguel ang ibi-build up ng GMA 7.Mapapanood ngayong hapon sa Startalk ang interbyu sa lola dearest ni Bianca.

 

Show comments