Katrina ayaw pa ring makipag-live in kay Kris, hanggang sleep over pa rin kahit may anak na

Hanggang ngayong May 23 na lamang mapapanood ang Carmela ni Marian Rivera dahil simula sa Lunes, May 26 ay isa na namang bagong serye ang matutunghayan sa Kapuso Network, ang family-oriented drama series na Niño na pinagbibidahan ng teen actor na si Miguel Tanfelix at child actor na si David Remo mula sa direksiyon ng award-winning director na si Maryo J. delos Reyes. Tampok din sa nasabing serye sina Gloria Romero, Dante Rivero, Angelu de Leon, Katrina Halili, Neil Ryan Sese, Luz Valdez, Ces Quesada, German Moreno, Renz Valerio, Bianca Umali, Sandy Talag, Julian Trono, Vincent Magbanua, Jerald Napoles, Angeli Bayani, Flora Gasser, Rafa Siguion-Reyna, Annika Camaya, at kung saan naman may special participation ang singer-actor na si Tom Rodriguez sa papel na Gabriel, ang hardworking husband ni Hannah (Katrina) at ama ni Niño.

Sa ipinatawag na presscon ng GMA, si Katrina ang pinakamaagang dumating na mas maaga pa sa call time na 3:00 p.m. kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na makipagkuwentuhan sa ilang entertainment w­riters na maagang dumating sa Studio 7 ng GMA kung saan ginanap ang grand presscon.

At kahit magtu-two years old na ang anak nina Katrina at Kris Lawrence na si Katie ay ayaw pa ring magpakasal ang aktres sa kanyang stay-out boyfriend. 

“Hindi pa kami pareho handa, pero siyempre naroon din naman ang plano naming pagpapakasal.  It’s just that, may mga gusto pa kaming gawin laluna ako.  Hindi naman porke’t may anak na kami ay kasal ang kasagutan. Kaila­ngan talagang paghandaan ang bagay na ‘yan,” paliwanag niya.

Kahit hindi pa sila kasal ni Kris, kumportable umano sila pareho sa kanilang kakaibang set-up.

Magkasama silang mag-ina sa kanyang naipundar na bahay at sa hindi naman kalayuang bahay (also in New Manila) nakatira si Kris kasama ang kanyang best friend na si Jay-R.  Regular na dumadalaw si Kris sa bahay ni Katrina and there are times na siya’y nag-i-sleep over doon.

Kapag dumating ang panahon na kapwa na handa sina Katrina at Kris na suu­ngin ang buhay may asawa, saka lang sila pakakasal.

Bakit hindi pa nila sundan si Katie?

“Kasal muna,” aniya.

Ilang direktor tumatambay, naghihintay ng trabaho

Since iilang movie producers na lamang ang nagpu-produce ng pelikula, majority ng mga artista ay nagku-concentrate na lamang sa telebisyon bilang actors at natutuwa sila na naging uso ang mga teleserye sa iba’t ibang TV networks, kaya mara­ming actors at production people ang nabibigyan ng trabaho.

Ang problema, maraming directors ang na-displace dahil karamihan sa mga director ng teleserye ay pawang in-house o ‘di kaya home grown directors ng TV stations.

Noong may Magnatech pa along Scout Albano in Quezon City, naging tambayan ito ng jobless directors and actors but since matagal nang nawala ang Magnatech, lumipat ang mga ito sa may Tropical na nasa panulukan ng Scout Albano at Panay A­venue in Quezon City.  Ang iba naman ay nakikita sa ground floor ng Crossings (Mall) na katapat lamang ng Tropical na hindi naman kalayuan sa OctoArts building na pag-aari ni Boss Orly Ilacad.

Kawawang mga director dahil wala na talaga silang masingitan. Sana nga ay dumating ang oras na muling sumigla ang industriya at kumita silang muli.

Coco napi-pressure kay Sarah

Hindi gaanong kumita ang dalawang naunang mainstream movies na ginawa ni Coco Martin  under Star Cinema, one opposite Angeline Quinto at ‘yung isa ay sila ni Julia Montes ang mga pa­ngunahing bituin sa One Moment in Time kaya ma­laking pressure sa tinaguriang teleserye king ang unang tambalan nila ng pop princess na si Sarah Geronimo sa pelikulang Maybe This Time na tinatampukan din ni Ruffa Gutierrez mula sa direksiyon ni Jerry Sineneng.

Lahat ng limang pelikulang ginawa si Sarah opposite John Cruz Cruz (3 movies) at Ge­rald Anderson (2 movies) ay pawang tumabo sa takilya.  Ganoon din ang inaasahan sa unang tambalan nila ni Coco na huhusgahan sa mga sinehan simula ngayong May 28.

 

Show comments