Concert ni Anne pinirata!

Hindi natuloy ang guesting ni Vhong Navarro sa Annekapal concert dahil sa hearing ng demanda niya laban kina Cedric Lee, Zimmer Raz at Deniece Cornejo. Ito ‘yung serious illegal detention na dininig noong Biyernes ni Judge Paz Esperanza Cortes ng Taguig Metropolitan Trial Court.

Ang testimony ni Vhong ang pinakinggan ni Judge Cortes at hindi madali para sa kanya na balikan ang traumatic experience niya sa kamay ng grupo ni Cedric.

Hindi man nakapag-perform si Vhong sa Annekapal, wagi naman ang production number nina Luis Manzano, Billy Crawford at Anne. Hindi ko napanood ang concert pero may nagkuwento sa akin ng mga eksena ng tatlo na lalong nagpasaya sa audience.

Hindi umuwing luhaan ang mga nanood ng Annekapal. Iisa ang kanilang sinasabi na nag-enjoy at na-entertain sila, kesehodang hindi singer si Anne.

Isa lang ang reklamo na narinig ko, ang mga pasaway na mas inuna pa ang pagre-record ng concert ni Anne sa kanilang Ipad at cellphone cameras.

Naperwisyo ng mga pasaway ang mga tao na nasa likod nila dahil nakaharang ang kanilang mga Ipad na nakatutok kay Anne.

Sa susunod, dapat ipagbawal ang ginagawa ng mga pasaway dahil form of piracy ‘yon ‘no! Inilalagay nila sa Internet ang mga eksena na kinunan nila  kaya guilty sila ng pamimirata!

Sa totoo lang, pathetic ang mga nag-record ng concert ni Anne sa pamamagitan ng mga gadget na bitbit nila.

Nakaperwisyo na sila sa kapwa, hindi pa nila na-enjoy ang panonood dahil nag-concentrate sila sa pamimirata.

Wish ko lang, magkaroon ng batas ang management ng mga venue ng mga concert laban sa mga gumagamit ng mga Ipad at kinukunan nang buo ang mga show na kanilang pinanonood. Hindi makatao at hindi makatarungan ang ginagawa nila!

 

Mama Nene ihahatid na sa huling hantungan

Ngayon ihahatid sa Manila Memorial Park ang labi ni Mrs. Azucena Vera Perez aka Mama Nene, ang matriarch ng Sampaguita Pictures.

Isang misa ang idaraos ngayong umaga, 8:00 am, bago dalhin si Mama Nene sa kanyang huling hantungan. Gaganapin ang misa sa bahay ng mga Vera Perez sa Valencia St., Quezon City.

 

Sandara pinupuri na ng mga nanlait sa kanya noon

Star na star si Sandara Park nang bumalik siya sa Pilipinas para sa concert ng grupo niya na ginanap kagabi sa Mall of Asia Arena. Marami ang nagtatanong ng tickets para sa concert nila, isang sign na tala­gang sikat ang all-female group na kinabibilangan ni Sandara.

Napanood ko ang mga television report tungkol sa pagbabalik-bayan ni Sandara na bumalik na ang self-confidence dahil naging successful ang career niya sa South Korea.

Parang kailan lang nang malungkot na umalis ng Pilipinas si Sandara para subukan sa South Korea ang kapalaran niya dahil  matamlay na ang kanyang career sa Pilipinas.

Nabasa ko noon ang mga write up na kesyo  laos na si Sandara dahil wala na itong career.

Eh back with a vengeance sa Pilipinas si Sandara. Kung sino ang mga nanglait sa kanya noon, sila ang pumupuri sa kanya ngayon. ‘Yan ang malungkot na katotohanan sa showbiz. Everybody loves a winner pero itsa-pwera ang artista kapag Luz Valdez na ang kanilang mga career.

 

Show comments