Pagsisid ni Dyesebel, nag-numero uno!

MANILA, Philippines - Pinakasinubaybayan ang mga programa ng ABS-CBN noong Abril matapos pumalo ang average national audience share nito sa 44%, o siyam na puntos na mas mataas sa 35% ng GMA, base sa datos ng Kantar Media.

Nanguna ang ABS-CBN sa iba’t ibang panig ng bansa tulad ng Ba­lance Luzon (mga lugar sa Luzon na nasa labas ng Mega Manila) kung saan nagtamo ito ng average audience share na 46%,  sa Visayas na may average audience share na 57% at sa Mindanao na may 54%.

Particular ang paghahari nila sa primetime (6PM-12MN) dahil sa a­verage audience share na 48%.

Bukod sa primetime, parehong umabante ang early afternoon (12NN-3PM) at late afternoon (3PM-6PM) blocks ng Kapamilya. Mula sa 43% noong Marso, umakyat ang early afternoon block nito sa 45% noong Abril, habang apat na puntos naman ang itinaas ng late afternoon block nito na may 47% mula sa 43%. Ang pag-akyat na ito ay dahil sa panguguna ng It’s Showtime na may average national TV ratings na 15.3% kasama na ang Meteor Garden (15.3%) at Moon of Desire (14.5%) na parating nagwawagi sa kani-kanilang timeslot.

Umabot sa 13 pwesto sa listahan ng top 15 programang pinakapinanood sa buong bansa noong Abril ang nasungkit nila , kung saan itinanghal na numero uno ang  Dyesebel (29.5%). Ang iba pang mga programa sa listahan ay Wanspanataym (28.9%), Ikaw Lamang (27.8%), Maalaala Mo Kaya (27.7%), TV Patrol  (25.8%),  The Legal Wife (23.5%), Rated K (22.5%),  Bet On Your Baby  (22.2%), Home Sweetie Home (20.8), Mirabella (18.2%), Pinoy Big Brother All In at  Be Careful With My Heart  (17.8%), Gandang Gabi Vice at Goin’ Bulilit (17.4%), at ang pang-Sabadong  It’s Showtime (17%).

Humataw agad ang pagbabalik ng nag-iisang teleserye ng totoong buhay  noong Abril 27 sa national TV rating na 20.5%. Tinutukan din ng mga manonood ang The Biggest Loser Pinoy Edition Doubles: Ang Bigating Pagtatapos noong Abril 26 na nagtamo ng 19.1%.

Show comments