Arnold Clavio walang balak pumasok sa politika

Arnold Clavio.

MANILA, Philippines – Inamin ng beteranong broadcast journalist na si Arnold Clavio na inaalok siya ng ibang political party na tumakbo para sa 2016 national election, ngunit wala siyang balak pasukin ito.

“Wala akong political ambition,” pahayag ng GMA 7 ngayong Miyerkules sa press conference ng  IGan ng Pilipinas Foundation at RiteMed Philippines.

Dagdag niya na matagal nang may mga nanghihimok sa kanya na tumkabo ngunit ayaw niyang maging masama ang tingin sa kanya ng publiko.

“Kada election naman, tatawagan ko ni ganito, ni ganyan. Kaya lang, pag inisip mo, ano ngayon ang impression sa mga politician, di ba?”

Sinabi pa ni “Igan” na masaya siya sa kanyang trabaho sa GMA 7 kung saan host siya ng “Unang Hirit,” “Saksi,” at “Tonight with Arnold Clavio.”

Nasangkot sa kontrobersiya si Igan nitong nakaraang taon matapos ang kanyang panayam sa abogado ni Janet Lim-Napoles na si Alfredo Villamayor.

Marami ang bumatikos sa kanya dahil sa umano'y pagiging bastos at arogante.

“Kapag hinimay mo yung pagiging bastos, alisin mo yun, ano ba yung nakuha mo doon? Mas lalong tumapang yung tao,” wika niya.

“Kaya ko nga dati, matatakot ako sa public place, baka andun yung mga nambully sa akin. Pero parang dumami pa nga yung nagpapicture. 'Okay lang yun, Igan.' Ito siguro yung mga walang computer.”

Show comments