Oliver Tolentino ipinakita ang kinalakihang bahay

MANILA, Philippines - Lucky charm kung tawagin ng Disney director ng Frozen na si Jennifer Lee ang suot niyang damit nang umakyat siya sa entablado para tanggapin ang Best Animated Film award sa nakaraang Oscars. Ang kanyang eleganteng black gown ay obra ng isang Pinoy na si Oliver Tolentino.

Ngayong Miyerkules sa Powerhouse, silipin ang bahay at buhay ng magaling na fashion designer at tinaguriang “Valentino of the Philippines.”

Binisita ng Powerhouse si Oliver sa kanilang ancestral house sa Orani, Bataan. Taong 1969 nang itinayo ang bahay na ito na dinisenyo ng kanyang ina at ng tiyuhin niyang isang arkitekto. Pina-renovate ni Oliver ang bahay pero nanatili ang orihinal na pader at sahig nito. Ipinakita rin ni Oliver ang kanilang freshwater swimming pool na dati raw ay fishpond ng tilapia na alaga ng kanyang ina.

Saksi raw ang bahay na ito sa kanyang mga unang iginuhit simula noong pitong taong gulang pa lamang siya. Sa halip na maglaro sa labas ng kanilang bahay ay mas pinagtuunan ng panahon ni Oliver ang pananahi ng damit para sa kanyang mga laruan.

Nagsimula sa nasabing damit ng mga laruan si Oliver hanggang sa mga damit na ng kanyang kaklase at kaibigan. Nang magtayo ng shop sa Maynila, naging kliyente din niya ang ilang artista gaya nina Ran­­dy Santiago, Samantha Chavez, Louie Heredia, at Ariel Ri­vera.

Noong 2009, nagdesisyong makipagsapalaran sa America si Oli­ver. Isang shop ang itinayo niya sa West Hollywood. Nang sumunod na taon, agad na naging matunog ang pangalang Oliver Tolentino nang makapasok siya bilang isa sa mga finalist sa Oscar’s Designer Challenge. Nagtuluy-tuloy na ang suwerte ni Oliver at pati mga bigating personalidad sa Hollywood at Pilipinas ay kaniya nang binihisan gaya nina Fergie ng Black Eyed Peas, Carrie Underwood ng American Idol, Jessica Alba, Imelda Marcos, at Lea Salonga.

Sa kabila nang tagumpay ni Oliver Tolentino, marami pa raw siyang pangarap: “Hindi hihinto ang buhay dahil nadamitan mo na ang mga ar­tista, hangga’t may buhay ka dapat excited ka sa ginagawa mo, kung hin­di magiging stagnant ka. I don’t want that to happen in my life kasi ha­bang may buhay tayo, may pag-asa pa sa mga gusto natin makamit.”

 

Show comments