Julie Anne San Jose umaming pinaasa ni Alden

PIK : Lalong gumanda si Julie Anne San Jose nang humarap ito sa press launch ng Careline beauty products.

Sabi nga ng mga taga-Careline, siya ang bumagay sa kanilang produkto para sa mga kabataan ngayon. Kaya wala raw mahihiling pa si Julie Ann sa gumaganda niyang career.

Pero pagdating sa lovelife, ayaw niyang magsalita lalo na’t na-link ito kay Alden Richards.

Wala naman daw siyang masasabi pa, kaya mabuting huwag na lang daw siyang magsalita.

Sunud-sunod ang tanong sa kanya kung nanligaw ba talaga si Alden, o pinaasa lang siya, pero ayaw niyang sagutin.

Sabi lang niya: “Basta ako naging nice naman po ako. Sa part ko, wala naman akong problema. But then again, I just didn’t know what happened.”

PAK: Sino kayang celebrity couple ang may anak na nag-celebrate daw ng first birthday  nung nakaraang Lunes?

Ang pagkakaalam namin, wala sa bansa ang celebrity couple na ito, kaya wala talaga kaming ideya kung paano nila sinilebrayt ang first birthday ng kanilang baby.

Sabi nang ilang taong malapit sa kanila, magsasalita din naman daw sila sa tamang panahon. Kaya iyun na lang ang hihintayin namin para malinaw kung ano talaga ang totoo sa pagkakaroon nila ng anak.

BOOM: Narinig namin kay Mr. Tony Calvento na may nakakarating na raw na impormasyon sa kanila na gusto na raw sumuko ni Deniece Cornejo.

Tikom ang bibig ng abogado ni Deniece tungkol dito at pati ang pamilya niya, basta hintayin na lang daw ang paglitaw ng dalaga.

Inaabangan din ang kauna-unahang paghaharap nina Vhong Nava­rro at Cedric Lee sa korte dahil sa darating na Martes ay magkakaroon na ng preliminary hearing at kailangan din ang presence ni Vhong.

Aminado si Vhong na hanggang ngayon ay nandiyan pa rin ang takot niya sa mga nambugbog sa kanya, kaya dapat emotionally ready siya sa pakikipagharap sa mga ito.

Show comments