My Love… nag-trend worldwide

MANILA, Philippines - Pumatok ang pinakabagong Koreanovela ng GMA Network na My Love from the Star hindi lamang sa mga bansang China, Malaysia, at Singapore dahil binihag na rin nito ang mga puso ng mga Pilipino sa Philippine TV premiere nito noong Lunes (Abril 21).

Masayang tinanggap ng mga Pilipino ang kakaibang kuwento ng My Love from the Star kaya naman nagkaroon ang pilot episode nito ng mataas na ratings at magandang feedback mula sa mga manonood sa buong bansa.

Sa simula pa lamang ng pagpapalabas nito sa bansa, talaga namang pinag-usapan na ito sa social networking site na Twitter. Sa katunayan ay nag-trending pa worldwide ang hashtag na MatteoDo (Kim Soo Hyun), at nationwide naman ang mga hashtags na MLFTSTheInvasion at Steffi (Jeon Ji Hyun). Patuloy pa rin ang My Love from the Star fever dahil noong Martes (Abril 22), naging isa sa mga top worldwide trends ang hashtags na SteffiMeetsProfessorDo at MatteoDo.

Ibinahagi ng mga netizens ang kanilang mga masasayang saloobin sa Twitter kung paano napukaw ng love story nito tungkol sa dalawang taong literal na nanggaling sa magkaibang mundo ang kanilang interes. Patok din sa kanila ang fashion style ni Steffi at ang kagwapuhan ng alien heartthrob na si Matteo.

Ipinalabas sa pilot episode kung paano naiwan sa daigdig ng mga tao si Matteo 400 taon na ang nakakalipas. Tatlong buwan bago siya nakatakdang bumalik sa kanyang bituin, nakilala niya ang makasarili ngunit magandang aktres na si Steffi na magiging mahalagang bahagi ng kanyang buhay sa mga nalalabing buwan ng pananatili niya sa daigdig.

Posible kayang mabuo ang tunay na pag-ibig sa pagitan ng isang alien at isang human superstar?

Huwag palalampasin ang mga kapana-panabik na episodes ng hit Koreanovela series na mapapanood bago mag-24 Oras sa GMA 7.

Show comments