MANILA, Philippines - Inaasahang higit na mag-iinit ang labanan sa taunang selebrasyon ng Aliwan Fiesta, sa paglahok ng 18 naggagandahang dilag sa timpalak ng Reyna ng Aliwan, na gaganapin sa maningning na mga pagtatanghal sa ika-25 at 26 ng Abril sa harap ng Aliw Theatre, Star City complex sa Pasay.
Inilahad na ng Manila Broadcasting Company ang listahan ng mga kalahok sa taong ito, na suportado muli ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas at mga lungsod ng Maynila at Pasay.
Mula sa NCR, kasali sina Earlen Janine Descalzo para sa Dayang-Dayang Festival ng Pasay, at si Angelica Padilla para sa Dalaksagaw Festival ng Tondo. Kakatawan naman sa Panagbenga ng Baguio si Sarah Jane Abdul, habang si Lulette Ramilo naman para sa Bambanti Festival ng Isabela.
Ipapadala ng Bulacan sina Jechele Mae Paano ng Guiguinto Halamanan Festival, at si Shaira Lenn Roberto ng Singkaban Festival. Isinumite ng Mabalacat ang pangalan ni Jinky Serrano, mientras galing Antipolo naman si Bernadette Salinel.
Mula sa Visayas, magiging labanan muli ng mga kutis kayumanggi at mga mestisa. Si Michelle Marie Monte ang kakatawan sa Iloilo Dinagyang, si Ahriana Lovely Huyaban ang sa Paraw Regatta si Hazel Mae Trasmonte para sa Kabankalan, at si Trixia Marana para sa Sandurot festival ng Dumaguete.
Samantala, tatlo ngayon ang kalahok ng Cebu, na limang beses nang naiuwi ang korona mula 2009-2013. Si Maria Gigante ang isinali ng Palawod Festival sa Bantayan Island, si Lorraine Mitzi Ambrad para sa Utanon Festival ng bayan ng Dalaguete, at si Steffi Aberasturi naman ang kinatawan ng Sinulog.
At galing Mindanao, dalawang dilag ang ipapadala ng General Santos City – Johanna Ariexia Quilenderino para sa Kalilangan Festival, at si Lovely Gemma Abdul ng Tuna Festival.
Ang tatanghaling Reyna ng Aliwan 2014 ay mag-uuwi ng isandaang libong piso (P100,000) at tropeo, bukod sa pagiging ambassadress of goodwill ng turismo.
Marami sa mga nagwagi mula pa noong 2003 ay tumahak ng landas bilang mga propesyonal na modelo, at ilan sa kanila’y lumaban din sa mga pambansang timpalak ng kagandahan.
Itinanghal na Mutya ng Pilipinas si Vera Eumee Reiter ng Baguio (Reyna 2006), naging Miss Earth si Karla Henry ng Masbate (Reyna ng Aliwan first runner up, 2007), at kamakailan lamang, nakamit ni Mary Jean Lastimosa ng Davao (Reyna ng Aliwan 2008) ang korona ng Bb. Pilipinas Universe.
Sina Rizzini Alexis Gomez ng Mandaue (Reyna ng Aliwan 2010) at Angeli Dione Gomez ng Toledo (Reyna ng Aliwan 2012) ay magkasunod na itinanghal bilang Miss Tourism International sa Malaysia noong 2012 at 2013.